CAPIZ – MATAPOS na magpagalingan sa gitna ng sayawan ay nauwi sa rambol at saksakan ang masayang pagtitipon na nagresulta sa pagkamatay ng isang lalaki at malubhang ikinasugat ng dalawa pa niyang pinsan sa ulat ng pulisya kahapon sa Ivisan.
Lumitaw sa pagsisiyasat na nauwi sa matinding away ang sigalot na nagsimula sa gitna ng dance hall na ginawa sa Sitio Camerin, Barangay Malocloc Norte.
Kinilala ang napatay na si Ryan Ureta, 20-anyos, na nagtamo ng sugat sa tiyan matapos saksakin ng suspek na si Ariel Unarce.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas ang dalawang pinsan ni Ryan na sina Cyril Ureta at Jecris Bacarro.
Ayon kay Police Staff Sgt. Emilo Ubalubao, imbestigador ng Ivisan PNP, sinabi nito na nasa loob pa lamang ng sayawan ay nagkakagirian na ang dalawang grupo hanggang sa paglabas nila ay roon na sila nagrambulan.
Lumitaw sa pagsisiyasat na lingid sa kaalaman ng mga biktima na may bitbit na patalim ang suspek na ginamit niya sa pananaksak sa tatlong magpinsan.
Naaresto ng mga pulis si Ariel Unarce, isa sa tatlong suspek matapos itinuro ng biktimang si Cyril na siyang sumaksak sa kanya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.