MAGIGING markado si Brooke Van Sickle ng PetroGazz sa kanilang laro kontra Cignal. PVL PHOTO
Standings W L
Choco Mucho 8 1
PLDT 7 1
Creamline 7 2
PetroGazz 6 2
Chery Tiggo 6 2
Cignal 5 3
Akari 4 5
Nxled 3 6
Galeries Tower 3 6
Farm Fresh 2 7
Capital1 1 8
Strong Group 0 9
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Cignal vs PetroGazz
6 p.m. – PLDT vs Chery Tiggo
DALAWANG krusyal na laro ang posibleng yumugyog sa semifinal landscape habang papalapit ang pagtatapos ng Premier Volleyball League All-Filipino Conference preliminaries, ngayong Martes sa Philsports Arena.
Magsasalpukan ang PetroGazz at Cignal sa alas-4 ng hapon, habang magtutuos ang PLDT at Chery Tiggo sa alas-6 ng gabi sa inaasahang araw ng umaatikabong bakbakan sa volleyball.
Ang showdown sa pagitan ng High Speed Hitters at ng Crossovers ay inaasahang magiging kapana-panabik. Ang dalawang koponan ay sumasakay sa winning streaks kung saan ang PLDT ay may limang sunod na panalo, habang ang Chery Tiggo ay may four-game run, kabilang ang mga panalo kontra strong semis contenders Creamline, PetroGazz at Cignal.
Habang ang panalo sa mga larong ito ay hindi maggagarantiya ng semifinal spot, ang lahat ng koponan ay determinadong palakasin ang kanilang mga kampanya sa pagpasok sa final stretch ng elimination round ng season-opening conference.
May 7-1 record, asam ng High Speed Hitters na samahan ang walang larong Choco Mucho sa ibabaw ng standings habang sisikapin ng Crossovers, tabla sa Angels sa fourth na may 6-2 kartada, na mapatatag ang kanilang sariling posisyon.
Nasa sixth place na may 5-3 marka, ang HD Spikers ay hindi na maaaring matalo upang makausad sa susunod na round. Nakapokus din ang lahat sa match-up sa Huwebes sa pagitan ng Cool Smashers, nasa solo third sa 7-2, at ng 8-1 Flying Titans sa rematch ng Finals noong nakaraang taon sa Smart Araneta Coliseum.
Subalit tututukan muna ang eksplosibong doubleheader sa Martes. Ang bakbakan sa pagitan ng naturang mga koponan ay hindi maitatatwang magiging “test of strategy and execution” kung saan ang PLDT ay pangungunahan ni Savi Davison, habang sasandal ang Chery Tiggo sa lakas nina Mylene Paat at Eya Laure.
Pagbibidahan naman ang PetroGazz ni Brooke Van Sickle, habang sasandig ang Cignal kay vereran Ces Molina.