RAMIREZ BALIK-TRABAHO

on the spot- pilipino mirror

NAKABALIK na si Philippine Sports Commission  (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez mula sa isang buwan na leave of absence dahil sa  pag-asikaso sa kanyang mahal na asawa na personal niyang i­naruga.

Ngayong balik-trabaho na si Chairman Ramirez, una niyang inasikaso ang pagbawi sa ninakaw na suweldo na nagkakahalaga ng P14-M ng isang staff ng ahensiya. Humingi ng tulong si Ramirez sa Office of the Solicitor General (OSG) para mabawi ang tinangay umano ni Paul Michael Ignacio, na nasa likod ng payroll scam. Para mabawi ang lahat ng kayamanan nito ay kailangang imbestigahan ito nang husto upang malaman kung saan nanggaling ito.

Noong nakaraang linggo ay inaresto si Ignacio ng NBI matapos na madiskubre ni PSC Executive Director Merlita Ibay ang ginagawang kalokohan nito. Go, Sir Butch, bawian na ‘yan ng kayamanan!

o0o

Parang kailan lang, mayroon na palang anak si dating Purefoods player Lowel Briones. Si Briones ay 1997 draft ng Purefoods kung saan kasabayan niya sina Andy Seigle, Elmer Lago, at Jason Webb. Halos walong taon din itong  naglaro sa PBA. Sumikat din naman si Briones lalo na nang maging GF niya ang sexy actress na si Ms. Rita Magdalena.

Pagkatapos ng career ni Briones sa PBA ay naglagi ito sa Cebu at nakapag-asawa siya ng isa ring taga-Cebu at nagkaroon ng ilang anak. Sa kasalukuyan ay may susunod na sa mga yapak ni Lowel, ang kanyang anak na si Lowel Briones Jr. na may taas na  6’6,  point guard. Kung dito siya makapaglalaro ay malaking guard itong si Chico, ang palayaw niya. Knowing na isang mahusay na point guard noong panahon na naglalaro ang ama nitong si Lowel Sr. Naninirahan sa Amerika ang buong pamilya ni Briones. Si Lowel Jr. ay nag-aral sa Ateneo Cebu pagkatapos ng high school at lumipad na sa Tate ang pamilya nila.

Kung mapipili si Chico sa Gilas bilang point guard ay malaking bagay siya sa koponan. Makakasama niya kung sakali sina Dwight Ramos, 6’5;  Kobe Paras, 6’6; AJ Edu, 6’11 at Kai Sotto na may taas na 7’2. Naglalakihan na ang mga batang Pinoy natin ngayon. Kaya nga ang China ay kabado  dahil after 5 years daw ay malakas na ang Fi­lipinas sa basketball dahil nagtatangkaran na ang mga  Pinoy.

o0o

Posibleng maging tandem sina Japeth Agui­­lar at Stanley Pringle sa darating na Philippine Cup. Sila ngayon ang sasanayin ni coach Tim Cone sakaling magsimula na ang practice ng mga team. Wala pang kasiguruhan kung kailan magbabalik-laro ang PBA. Pero nakatuon ang pansin ng koponan sa All-Filipino crown na matagal na nilang inaasam.

o0o

Pahabol: Happy 1st birthday sa apo namin na si Harvee Roechev Jingco. Bawi tayo sa susunod na birthday mo, ‘di tayo puwedeng mag-party. Ang importante ay malusog ka at malakas. We love you!

Comments are closed.