KAUNA-UNAHANG Olympic gold medal ng Pilipinas sa gitna ng pandemya, ilang world champions, apat na gold sa Asian Games, at pagbawi sa overall championship ng Southeast Asian Games.
Ilan lamang ito sa major accomplishments na natamo sa ilalim ng termino ni William ‘Butch’ Ramirez bilang pinuno ng Philippine Sports Commission (PSC) magmula nang muli siyang italaga sa puwesto noong 2016.
At sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang ikalawang termino bilang chairman ng government sports agency, si Ramirez ay gagawaran ng Excellence in Leadership Award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night dahil sa walang humpay na suporta at tulong na ipinagkakaloob ng kanyang tanggapan sa pag-aangat ng estado ng Philippine sports sa bagong antas.
Si Ramirez, PSC chairman sa unang pagkakataon noong 2005 hanggang 2009, ay bahagi ng 38 awardees na pararangalan ng pinakamatandang media organization sa March 14 special event na itinataguyod ng Philippine Olympic Committee, PSC, at Cignal TV.
Ang gala night ay idaraos ng face-to-face sa Diamond Hotel.
Isang educator, dating athletic director ng Ateneo de Davao, at ex-chairman ng Davao City Sports Commission, ang 71-year-old sports official ay pinarangalan ng PSA bilang Executive of the Year noong 2019 kasunod ng matagumpay na hosting ng SEA Games, kung saan itinanghal ang Pilipijas bilang overall champion sa ikalawang pagkakataon buhat nang magsimula itong lumahok sa biennial meet noong1977.
Ang SEAG overall championship ay isa lamang sa maraming tagumpay sa ikalawang termino ni Ramirez bilang PSC chairman, kasama ang iba pa sa Board na kinabibilangan nina commissioners Ramon Fernandez, Charles Maxey, Celia Kiram, at Arnold Agustin.
Ang pagwawagi ng bansa ng breakthrough gold medal sa Olympics sa pamamagitan ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo Games ay magpakailanman na maiuugnay sa pamumuno ni Ramirez sa PSC.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Ramirez nagkaroon ang bansa ng Filipino world champions tulad nina gymnast Carlos Yulo, golfer Yuka Saso, pool player Carlo Biado, pole vaulter EJ Obiena, bowler Krizziah Lyn Tabora, boxer Nesthy Petecio at iba pa.