PAPAGITNA ang nasa likod ng tagumpay ng Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night na gaganapin sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Si Team Philippines Chef De Mission William ‘Butch’ Ramirez ay gagawaran ng Executive of the Year honor makaraang pangunahan ang matagumpay na kampanya ng bansa sa biennial meet.
Si Ramirez, na siya ring chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), ay binibigyan ng kredito sa pamumuno sa Filipinas sa pagbawi sa overall championship ng SEA Games makaraan ang 14 taon.
Ang 1,115-strong Filipino athletes ay humakot ng 149 gold, 117 silver, at 121 bronze medals, ang pinakamaraming nakamit ng bansa magmula nang lumahok sa meet noong 1977.
Si Ramirez din ang PSC chief nang unang makopo ng Filipinas ang SEA Games overall title noong 2005.
Sinamahan ni Ramirez sa elite company na naunang ginawaran ng parehong award ng pinakamatagal nang media organization na pinamumunuan ni president Tito S. Talao ng Manila Bulletin sina Manny V. Pangilinan, Ramon S. Ang, Wilfred Uytengsu, Hans Sy, Ricky Vargas, Chito Salud, Jude Echauz Dan Palami, at Philip Ella Juico.
Sasamahan ni Ramirez ang buong Team Philippines sa centerstage sa awards night na itinataguyod ng PSC, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA), Rain or Shine, at Air Asia dahil ito ang tatanggap ng prestihiyosong Athlete of the Year award.
Magkakaloob din ng tropeo ang sportswriting fraternity ng bansa sa President’s Award at National Sports Association (NSA) of the Year.
Ang iba pang awards ay ang Ms. Basketball, Mr. Volleyball, Ms. Golf, Mr. Football, at Coach of the Year.
Igagawad din ang Major Awards, Lifetime Achievement Award, Tony Siddayao Awards, MILO Junior Athletes Award, at citations na pangungunahan ng SEA Games gold medal winners.
Comments are closed.