PUSPUSAN ang paghahanda ni Anne Ramirez para sa 6th Asian Indoor and Martial Arts Games na gaganapin sa Thailand matapos ang Paris Olympics sa Hulyo.
“Dito nakasentro ang aking attention. Pinaghahandaan ko ito nang husto dahil gusto kong mapanatili ang korona at bigyan muli ng karangalan ang bansa,” sabi ni Ramirez.
“My mission and ultimate goal is to retain the title I won four years ago in Uzbekistan. Gagawin ko ang lahat at gagamitin ko ang malawak kong karanasan sa jiu jitsu para mapanatili ang korona,” wika ng 32-anyos na Bicolana sa panayam sa kanya sa Philippine Sports Commission.
Ang AIMAG ang pangalawa si pinakamalaking torneo sa Asia kasunod ng Asian Games na nilalaro tuwing apat na taon.
Si judo legend at two-time Olympian John Baylon ang nagturo kay Ramirez ng jiu jitsu kung saan naging estudyante niya ito sa isang eskuwelahan na kanyang tinayo sa Pasay.
Nanalo sina Ramirez at Margarita Ochoa ng ginto sa nakaraang AIMAG na ginawa sa Ashgabat, Uzbekistan.
Nagwagi rin si Ramirez sa Southeast Asian Games, Asian Games, 7th Thailand Jiu Jitsu, Asian Beach Games, at World Pro sa Abu Dhabi.
Inamin ni Ramirez na mahirap ang kanyang pagdaraanan dahil Asian level ang competition kung saan sasabak ang lahat na magagaling sa jiu jitsu sa rehiyon.
“Kaya naman hindi ako nagpapabaya sa ensayo. I religiously train refining and polishing my skills to perfection dahil ang goal ko manalo at bigyan muli ng karangalan ang bansa,” ani Ramirez.
Si Ramirez ay major awardee sa Women in Sports Awards at Philippine Sportswriters Association Award sa panalo niya sa SEA Games at Asian Games. Ginawaran din si Ramirez ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission plaque bilang pagkilala sa mga tagumpay na nakamit niya sa jiu jitsu.
CLYDE MARIANO