TAGUIG CITY – MAKARAAN ang magdamag na gamutan bunsod ng pagbagsak ng 8-seater Bell 429 chopper, discharged na sa St. Luke’s Medical Center-BGC si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa kahapon.
Ito ang kinumpirma ni Acting Spokesperson Maj Gen Benigno Durana at sinabing dumiretso na si Gamboa kasama ang kanyang maybahay na si Mrs. Twinkle sa White House sa Camp Crame.
Para matiyak ang kalusugan ng PNP chief, ito ay babantayan ng PNP Health Service.
Bukod kay Gamboa, lumabas na rin kahapon ang aide de camp nitong si PCapt. Keventh Gayramara.
Naiwan naman kahapon si PNP Spokesperson Brig/ Gen. Bernard Banac na nagtamo rin ng sugat sa ilang parte ng kanyang katawan.
Gayunman, sinabi ni Durana na ngayong araw ay lalabas na rin si Banac mula sa nasabing ospital.
Ang mga pilotong sina Police Lt Col. Ruel Zalatar at Police Lt. Col. Rico Macawili, at ang chopper technician na si PSMS Louie Cestona, ay wala pang iskedyul kung kailan makalalabas ng ospital dahil patuloy pa silang ginagamot.
Samantala, sinabi ni Durana na mayroong kaunting improvement sa kondisyon ni MGen. Mariel Magaway, Director for Intelligence.
“Medyo may mga slight improvement, unti-unting nag-i-improve ang kanyang kalagayan compared yesterday, there is a very good sign for recovery, for stability,” patungkol ni Durana sa kondisyon ni Magaway.
Bahagya namang umige ang lagay ni MGen. Maria Jose DF Ramos, Director for Comptrollership, dahil wala na itong blood transfusion, subalit minomonitor pa rin at nananatili aniyang under observation at unstable pa rin.
Inamin din ni Durana na wala pang advisory kung out of danger na ang dalawang heneral na mistah ni Gamboa sa Philippine Military Academy-Sinagtala Class of 1986. REA SARMIENTO
Comments are closed.