RANDOM DRUG TESTING SA PTIX: 4 DRAYBER BANGAG,1 LASING

HINDI nakalusot sa mga awtoridad ang apat na bus driver sa PITX matapos magpositibo sa random drug test habang ang isa ay nakainom ng alak.

Ito ang inianunsyo ni Jason Salvador, Corporate and Relations Officer head ng PITX.

Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Salvador na nagsasagawa sila ng random drug testing sa mga driver ng bus simula pa noong Lunes kasama ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Land Transportation Office (LTO).

Kahapon umaga ay inulit nila ang random testing saan nadiskubre ang pagiging bangag sa ilegal na droga ng apat na driver habang ang isa ay nasa impluwensya ng alak.

Kinumpiska ang lisensya ng 5 drivers at isasailalim ang mga ito sa confirmatory test ng Department of Health (DOH).

Sinabi ni Salvador na kapag napatunayang gumagamit ang mga ito ng ilegal na droga ay agad na kakanselahin ang kanilang lisensya at hindi na makapagmamaneho pa.

Isasailalim din ang mga ito sa rehabilitasyon sa pa­ngangasiwa ng kani-kanilang barangay para maituwid ang kanilang gawain.

Umaasa naman si Salvador na magsilbing-aral ito sa ibang drivers ng mga pampasaherong transportasyon dahil hindi lamang ang kanilang sarili ang inilalagay nila sa peligro kundi maging ang maraming buhay ng kanilang pasahero. BETH C