ITATAKDA ng Commission on Elections (Comelec) ang isang “random testing” sa mga balota gayundin sa vote counting machines (VCMs) sa susunod na linggo kaugnay sa pagdaraos sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Kinumpirma ito ni Comelec Commissioner George Garcia na siyang mangunguna sa pagdaraos ng nasabing pagsusuri.
Ayon kay Garcia, magtatakda ang Comelec En Banc ng schedule para sa random testing sa mga balota at VCM, habang aatasan naman si Comelec Spokesperson Dir. James Jimenez na maglatag ng guidelines.
Paliwanag ni Garcia, may mandato ang komisyon na tiyakin ang transparency, at maalis ang anumang pagdududa sa integridad ng mga prosesong may kinalaman sa eleksiyon.
Nauna nang isinulong ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na magsagawa ang Comelec ng random sampling para sa mga balota na naimprenta na nila.
Ito ay sa harap ng mga reklamo ng iba’t ibang grupong nagbabantay sa proseso na walang abiso ang ginawa ng Comelec na pag-imprenta, lalo’t malinaw sa Omnibus Election Code na dapat may kinatawan o observer ang mga partido politikal o mga kandidato na makita ang ballot printing at pamamahagi nito.
Samantala, pormal nang hiniling ni Atty. Macalintal sa Comelec En Banc ang random sampling sa mga balota. Jeff Gallos