RANGGONG GENERAL SA PNP PINABABAWASAN NG DILG

INIHAYAG ng Department of Interior and Local Government (DILG)  na tapyasan ang bilang ng police generals mula sa mahigit 130 sa 25 na lamang.

Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang pagbabawas sa bilang ng “top-heavy” police organization ay kabilang sa prayoridad ng kanyang liderato sa DILG.

“That’s my plan… It’s still a plan, that’s one of my recommendations, to flatten the organization,” ani Remulla.

”There are a lot of generals without commands. Mayroon tayong APC, area police commands, na wala naman tao sa ilalim nila. So, marami tayong lugar na redundancies na kaila­ngan i-trim down. It’s a 32-year-old law na kailangan bisitahin ulit,” dagdag pa nito.

Nauna rito, nanawagan si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga mambabatas na amiyendahan ang Republic Act 6975 o ang batas na nagtatag sa Philippine National Police noong 1991.

Binigyan-diin ni Mar­bil ang panga­ngailangan na muling suriin at i-restructure ang PNP upang magkaroon ng mas “streamlined structure” para sa mas mabilis na paggawa ng desisyon lalo na sa emergencies.

Aniya, ang kasalukuyan hierarchical system ang madalas na nagpapabagal sa kanilang desisyon partikular sa mga kritikal na sitwasyon.

Nabatid na kapag na-decentralize ang PNP, magbibigay ito ng kapangyarihan sa mga mababang ranggong opisyal na gumawa ng “localized decisions” na inaasahang magpapabilis sa kanilang ope­rational efficiency at makatutulong sa pag-iwas sa delays.

Sinabi pa ng PNP chief, kinakailangan din masolusyunan ang kakulangan ng bilang sa kanilang hanay.

Noong itatag ang PNP, mayroon lamang itong150,000 na tauhan na hindi na sapat upang matugunan ang kasalukuyang panga­ngailangan para sa kaligtasan ng publiko at pag-iwas sa krimen.

EVELYN GARCIA