TULUYAN na ngang hindi maglalaro si Ranidel de Ocampo sa kampo ng Meralco Bolts. Desidido na si Ranidel na iwanan ang paglalaro at sumunod sa mga yapak ng kanyang Kuya Yancy de Ocampo na nagdesisyong huminto na sa paglalaro. Sa darating na December 8 ay tutuntong na sa edad na 39 si Ranidel. Kung tutuusin, puwede pa siyang maglaro, pero dahil siguro marami nang nararamdaman sa katawan ang basketbolista at kasalukuyang may injury ay ireretiro na niya ang kanyang jersey.
Taong 2004 nang pasukin niya ang PBA. Hinugot siya ng FedEx Express sa round 1, at pick number 4 overall. Apat na taon din siyang nakapaglaro rito. Nalipat siya sa Talk ‘N Text mula 2008 hanggang 2017. Ang huling team niya ay ang Meralco noong 2017 – 2019. Nagkaroon lamang siya ng tatlong team sa loob ng 15 years na paglalaro sa professional league.
Si Ranidel ay 6-time PBA champion noong 2008 -2009 Philippine Cup, 2010-11 Phil.Cup, 2011 Commissioner’s Cup, 2011 -12 Philippine Cup, 2012-13 Philippine Cup at 2015 Commissioner’s Cup. Dalawang beses siyang naging Finals MVP, Best Player of the Game sa 2014 Commissioner’s Cup, 9-time PBA All Stars, 3-time Mythical first team (2012-2014), naging PBA Mythical second team at PBA All Rookie team (2004-2005).
Sa angking husay sa paglalaro bilang power forward/small forward ay nakasama siya sa national team. Sa mga hindi nakakaalam, si Ranidel ay produkto ng Saint Francis of Assisi Col-lege of System. Kaya wala sa school ‘yan, kapag mahusay kang maglaro ay makakarating ka sa highest level ng basketball career. Saka iba na ang matangkad na may 6’6 ang tubong Tanza, Cavite.
Hindi naman natin mami-miss si Ranidel sa court sapagkat mananatili siya sa basketball kung saan kinuha siya ng TNT KaTropa bilang asst. coach ng team.
o0o
Speaking of TNT KaTropang Texters, goodbye na si Amerikanong coach na si Tab Baldwin. Usap-usapan sa apat na sulok ng basketball na tuluyan nang tsinugi ang nagmagaling na coach sa taktika sa PBA at sa coaches. Sa sobrang galing ay nakalimutan ni Baldwin na may limitasyon ang kanyang pagiging consultant sa MVP at SBP group. Kahit sabihin na maganda ang layunin niya sa liga, iba ang dating nito na parang minaliit niya ang kalagayan ng local coaches, gayundin ang tulad nina coach Tim Cone, Norman Black at Alex Compton. Isama pa natin si Jeffrey Cariaso na isang Fil-Am.
Tinanggal na si coach Tab sa kampo ng TNT Katropa dahil sa pagiging matabil. Ang tanong nga lamang dito ay kung pati sa pagiging head coach niya sa Ateneo Blue Eagles ay tsugiin na rin siya. Abangan na lang natin kung ano ang magiging desisyon ni MVP on Manny V. Pangilinan.
Maugong din ang balita na magpapalit na rin ng head coach ang TNT KaTropa at papasok si coach Alex Compton. Matatandaan na nag-resign si coach Compton sa Alaska Aces noong nakaraang taon at pinalitan siya ni Jeffrey Cariaso. Si Compton ay kasama sa SBP o Samahang Basketbol ng Pilipinas. Malamang na kung si Alex na ang head coach ng team ay kunin niya ang mga paboritong player niya sa Aces tulad ni Kevin Racal. Good luck!
o0o
PAHABOL: Happy happy 4th birthday kay Aliyah Sabrina Fernando ng Villa Zaragosa, Bocaue, Bulacan at Pandi, Bulacan mula sa iyong mga magulang na sina Mama Faye at Papa Troy at sa iyong mga lolo at lola. Siyempre greetings from Kuya Auztin Manuel, Edwin and Malou Manuel. More birthdays to come Aliyah at good health.
Comments are closed.