RAPHAEL PERPETUO LOTILLA BALIK BILANG PINUNO NG DOE

KAHAPON ay inanunsiyo ng Palasyo sa pamamagitan ni Press Secretary Trixie Angeles na itinalaga nila si Raphael Perpetuo Lotilla bilang Secretary ng Department of Energy.

Matagal naghintay at siguro ay masasabi din natin na nakabimbin ang pag-aanunsiyo sa bagong mamamahala ng DoE mula sa Malacañang.

Sa wakas ay may magtitimon na rin mula sa gobyerno tungkol sa usapang enerhiya. Tulad ng palagi kong tinatalakay sa aking kolum, mahalaga ang sektor ng enerhiya sa ating bayan upang makatulong mabawasan ang tama ng pandaigdigang pagbagsak ng ekonomiya dulot ng hidwaan sa pagitan ng Ukraine at ng Russia sa Europa.

Hindi lingid sa ating kaalaman ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Apektado ang halos lahat ng bansa sa mundo. Dagdag na rin dito ang presyo ng pangunahing pagkain, lalong-lalo na ang presyo ng harina na halos ay nanggagaling sa bansang Ukraine.

Sang-ayon ako sa pagpili kay Lotilla. Bumabalik lamang siya bilang kalihim ng enerhiya. Si Lotilla ay naging Secretary of Energy noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2005 hanggang 2007. Dating pinamunuan niya rin ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), at naging Deputy Director General ng National Economic Development Authority o NEDA.

Kaya naman hindi kuwestiyonable ang kanyang kuwalipikasyon upang manmuno sa DoE. Tulad ng pahayag ko sa aking opinyon dito sa aking kolum, maganda ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos o PBBM, na magtalaga ng mga technocrat sa mga mahahalagang posisyon sa kanyang gabinete.

Wala tayong nakikitang politiko na bumubuo ng kanyang economic team. Lahat sila ay technocrats. Si Lotilla ay maituturing din isang technocrat na may malalim na kaalaman sa industriya ng enerhiya.

Mawalang galang na kay Pangulong Duterte, bagama’t maganda ang tahak niya upang gumanda ang ating ekonomiya tulad ng kanyang ‘Build, Build, Build’ program na utak ni Department of Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez, tila nagkaroon ng kakapusan ang industriya ng enerhiya sa pamumuno ni dating DoE Secretary Alfonso Cusi.

Malinaw na hindi niya napagtuunan ang suliranin sa kakapusan ng suplay ng koryente sa ating bansa. Wala tayong naramdaman sa mga malalaking proyekto sa pagtataguyod ng mga bagong power plants sa ating bansa. Dagdag pa rito ay hindi masyadong nagpagtuunan ang seguridad ng suplay ng langis na dapat ay naayos upang mahinto ang pagbulusok ng presyo ng langis sa ating bansa.

Bakit? Dahil medyo naging abala si Cusi sa pamumulitika ng kanilang partido politikal na nagresulta sa bangayan sa loob at nagkaroon ng dalawang paksyon.

Nakatulong ba ang ginawa ni Cusi sa hinaharap ng kanilang partido? Marahil ay alam nating lahat kung ano ang nangyari sa pamumuno ni Cusi sa PDP-Laban.

Kaya naman saludo ako sa hakbang na ginawa ni PBBM na itinalaga si Lotilla. Mabuti na rin na ang dating mainit na usapan na si Rep. Rodante Marcoleta ang itatalaga bilang DoE secretary ay naunsyami.

Politiko si Marcoleta. Hindi rin natin masasabi na malalim ang kanyang kaalaman sa kumplikadong kalakaran ng enerhiya na maaaring mawala ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa nasabing industriya.

Kilala si Lotilla bilang isang matuwid at magaling na technocrat. Alam ko na isa sa pangunahing gagawin ng kanyang liderato ay kung paano maibsan ang pagtaas ng presyo ng langis sa ating bayan na nagsilbing mitsa ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Good luck po, Sec. Lotilla.