RAPID TEST ‘DI IBABAWAL

RAPID TEST

NILINAW ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi nila irerekomenda ang pagbabawal o pagba-ban sa paggamit ng rapid antibody test (RATs) kit para sa pagtukoy ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil mayroon pa itong ibang gamit.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual press briefing kahapon, kasunod ng naunang pahayag ng ilang doktor na ang RATs ay nagbibigay ng ‘false sense of security’ sa isang indibidwal at maaaring nakapag-contribute pa sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Una na ring sinabi ng DOH na pag-aaralan nila kung ipagbabawal na ang paggamit ng RATs dahil ang rekomendado pa rin umano nilang pagsusuri ay ang mas accurate na swab testing o transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) tests.

“Hindi naman kailangan i-ban (ang rapid antibody tests) kasi may gamit siya sa ating (COVID-19) response,” ayon kay Vergeire.

“Pwedeng gamitin ang rapid antibody test sa mga pasyente na nakaka-recover na o puwede nang ma-tag as recovered,” aniya pa.

Ipinaliwanag ng health official na sa ika-21 araw ng sakit ng pasyente, ay pinaniniwalaang accurate na ang pag-detect ng RATs ng antibodies, partikular na ang immunoglobulin G, na nagpapakita na ang pasyente ay nakarekober na mula sa virus.

Ayon pa kay Vergeire, bagamat ang RATs ay hindi dapat gamitin sa pag-screen sa COVID-19, mayroon pa rin itong gamit.

Maglalabas ang DOH  ng guidelines sa paggamit ng lahat ng COVID-19 tests at mayroon na silang dalawang grupo ng mga eksperto na gumagawa nito.

Nabatid na nakapagsagawa na ng draft ang mga eksperto hinggil sa naturang guidelines at nakapagbigay na rin ng rekomendasayon.

Hindi naman tinukoy ni Vergeire kung kailan maisasapinal ang guidelines at kung kailan ito mailalabas sa publiko.

Binigyang-diin din niya na ang RT-PCR pa rin ang nananatiling gold standard para sa PCR testing at ito lamang ang tanging pagsusuri na kinikilala ng pamahalaan para sa pagkumpirma ng COVID-19 cases.

Angkop aniyang gamitin ang RT-PCR tests, dalawang araw matapos na makitaan ng sintomas ng sakit ang pasyente.

Bukod naman sa PCR at antibody tests, nabatid na kinikilala rin ng DOH ang paggamit ng antigen tests, na makapagsasabi kung ang isang tao ay infected ng virus dahil kaya nitong mag-detect ng proteins, gaya ng spike proteins ng SARS-CoV-2 na siyang nagdudulot ng sakit na COVID-19. Gayunman, mayroong lower sensitivity ang antigen tests, kumpara sa PCR tests.

“Yung antigen testing, mas accurate s’ya sa rapid. Pero hindi pa rin s’ya standalone test,” aniya.

Ibig sabihin aniya nito, nangangailangan pa rin ang antigen tests ng confirmatory PCR test.

“Ang ating antigen test very, sensitive and accurate for the first 5 days of illness,” paliwanag ni Vergeire. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.