RAPID TEST KIT NEED NG BANSA

MASAlamin

MGA kamasa, sa panahon na ito ng global pandemic at national emergency ay napakaganda ng ginawang pag-apruba ng DOH, FDA at RITM sa COVID-19 rapid testing kit dahil ngayon ay mas masisiguro natin ang kaligtasan ng ating nga frontliner at mga komunidad.

Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito ay mapagtatanto na ng ating mga awtoridad ang tunay na sitwasyon sa ibaba at hindi na maliligaw sa anumang desisyon na tatahakin sa mga susunod na araw ng ating pakikibaka laban sa invisible na kalaban.

Bagama’t medyo hindi napabilis ang pag-aapruba at ngayon nga tayo’y nangangapa, may natitirang agap pa naman upang ito ay mai-deploy sa mga siyudad, munisipyo at barangay sa ating bansa.

Ito ring mga rapid test kit na ito ang magiging kasiguraduhan ng ating mga frontliner sa mga tumatakbo sa kanila sa paghingi ng tulong na hindi sila positibo at kung positibo man ay maihihiwalay na mula sa mga komunidad na kanilang ginagalawan.

Samantala, sa mga komunidad naman ay maihihiwalay na rin ang mga may impeksiyon at mas maiging nailulunsad ang contact tracing dahil may-roon na silang kaagapay na test kit na malalaman ang resulta sa loob lamang ng 15 minuto.

Kung magkakagayon ay mas marapat na ang magiging paggalaw ng awtoridad sa mga komunidad sa paglalapat ng mga ispesipikong solusyon sa kani-kanilang mga hurisdiksiyon.

Hindi rito natatapos ang laban, bagkus ay binigyan lamang tayo ng dagdag na armas. Nararapat na ipagpatuloy pa rin  ang rekomendadong personal hygiene, social distancing at paggamit ng facial mask.