MAGAAN na dinispatsa ng Toronto Raptors ang Orlando Magic, 109-99, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa NBA restart kahapon sa Walt Disney World complex sa Florida.
Ang defending champions ay nakakuha ng 21-point, 10-assist game mula kay Fred VanVleet, habang nagdagdag si veteran point guard Kyle Lowry ng 8 points, 9 rebounds, at 10 dimes.
Ang Raptors ay isa sa tatlong koponan na wala pang talo sa loob ng ‘bubble’, kasama ang
Indiana Pacers at Phoenix Suns.
Samantala, ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Magic, na sinisikap na manatili sa eighth at last playoff spot sa Eastern Conference.
Na-outscore ng Toronto ang Magic, 26-11, sa opening frame at umabante sila ng hanggang 24 points.
CELTICS 149, NETS 115
Nag-init ang Boston Celtics sa three-point area nang tambakan ang Brooklyn Nets.
Isang araw makaraang hiyain ng kulang sa taong Miami Heat team, bumawi ang Celtics at dinurog ang Nets. Pitong players ang umiskor ng double figures para sa Boston, sa pangunguna nina Jaylen Brown na may 21 points at Jayson Tatum na may 19.
Naipasok ng Boston ang 56.8% ng kanilang attempts, kabilang ang 20 of 39 attempts mula sa three-point range.
Sa kaagahan ng laro ay dikit ang laban, at umabante pa ang Brooklyn sa 24-23, may 2:21 ang nalalabi. Subalit na-outscore ng Celtics ang Nets, 11-1, upang tapusin ang opening period, at hindi na nakabawi pa ang Nets.
Lumamang ang Boston ng hanggang l34 points. Walo lamang ang naipasok ng Nets sa kanilang 32 three-pointers sa laro.
Nanguna si Jeremiah Martin para sa Brooklyn na may 20 points, habang gumawa si Joe Harris ng 14 markers.
Nalasap ng Brooklyn ang ikalawang sunod na kabiguan sa loob ng NBA bubble.
Comments are closed.