RAPTORS AYAW PAAWAT

raptors vs bulls

TUMABO si rookie Terence Davis ng career-best 31 points sa 12-for-15 shooting upang pangunahan ang Toronto Raptors sa 129-102 panalo laban sa bisitang Chicago Bulls noong Linggo at pantayan ang kanilang franchise record na may 11 sunod na panalo.

Nagdagdag si Pascal Siakam ng 17 points at 9 rebounds sa kabila ng hindi paglalaro sa fourth quarter para sa Raptors, na nanalo rin ng 11 sunod noong  2016 at 2018.

Umiskor si Serge Ibaka ng 16 points para sa Toronto, gumawa si Kyle Lowry ng 14, tumipa si Fred VanVleet ng 12 points at 8 assists, habang nagdagdag sina  Chris Boucher ng 15 at Patrick McCaw ng 10.

Nagbuhos si Thaddeus Young ng 21 points at 7 rebounds para sa Chicago bago na-foul out sa fourth quarter. Nagdagdag si Zach LaVine ng 18 points, 7  rebounds at 7 assists para sa Bulls, na natalo ng tatlong sunod. Nagposte si Chandler Hutchison ng 17 points at ku­mamada sina Ryan Arcidiacono at Coby White ng tig-12.

Winalis ng Raptors ang three-game season series sa Bulls at nanalo ng 12 sunod laban dito.

PISTONS 128, NUGGETS 123

Kumana si Andre Drummond ng 21 points, 17 rebounds at 4 assists, habang nag-ambag si Reggie Jackson ng 20 points at 6 assists mula sa bench upang tulungan ang host Detroit Pistons na putulin ang five-game losing streak sa pagsorpresa sa Denver Nuggets sa overtime.

Tumapos si Bruce Brown na may 19 points, 10 rebounds at 8 assists, at gumawa sina Svi Mykhailiuk at Tony Snell ng tig-13 points para sa Detroit. Naitala ni Drummond ang 400th double-double sa kanyang career.

Lumabas si Derrick Rose ng Detroit sa first half dahil sa groin injury at hindi na bumalik sa laro. Tumapos siya na may 2 points, na pumutol sa kanyang streak na 20-point games sa 14.

Nanguna si Nikola Jokic para sa Denver,  na galing sa impresibong panalo laban sa Utah at Milwaukee, na may 39 points, 10 rebounds at 11 assists. Tumipa si  Will Barton ng 20 points, 9 rebounds at 5 assists, at umiskor si Monte Morris ng  19 points.

Ang Nuggets ay naglaro na wala ang apat na rotation players dahil sa injuries, kabilang sina point guard Jamal Murray at forwards Michael Porter Jr. at Paul Millsap.

Umiskor si Drummond sa unang 78 segundo ng overtime at sinundan ito ni  Brown ng tres upang bigyan ang Detroit ng 116-112 kalamangan. Na-foul out si  Drummond sa sumunod na possession ng Nuggets, subalit naipasok ni replacement Thon Maker ang baseline shot upang bigyan ang Pistons ng five-point lead, may 2:24 sa orasan.

Comments are closed.