RAPTORS, CELTICS LUMAPIT SA 2ND ROUND; CLIPPERS, JAZZ ABANTE SA 2-1

LUMAPIT ang defending champion Toronto Raptors sa pag-usad sa NBA playoffs sa pamamagitan ng 117-92 panalo laban sa injury-depleted Brooklyn Nets.

Umiskor si Pascal Siakam ng  26 points, kumalawit ng 8  rebounds at nagbigay ng limang assists para sa Raptors, na naipasok 50.5% ng kanilang tira mula sa  field at 47.8% mula sa three-point range.

Kinapos si Kyle Lowry sa triple-double na may 11 points, 10 rebounds at 7 assists para sa Raptors na maaaring makopo ang second round berth sa Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila).

“We’re just taking it a possession at a time,” sabi ni Lowry. “We can’t focus on anything else. Closeout games are always the toughest. We know they’re not going to lay down.”

CELTICS 102,

76ERS 94

Naging sandigan ng Boston Celtics ang tatlong key defensive plays sa huling bahagi ng laro upang gapiin ang Philadelphia 76ers at kunin ang 3-0 lead sa kanilang Eastern Conference first-round playoff series sa NBA bubble sa Orlando.

Nagbuhos si Kemba Walker ng team-high 24 points, kabilang ang isang krusyal na jumper, may 1:05 ang nalalabi na nagbigay sa third-seeded Boston ng apat na puntos na kalamangan at inilatag ang entablado para sa sweep sa best-of-seven series.

Pinangunahan ni Joel Embiid ang lahat ng scorers na may 30 points para sa sixth-seeded 76ers.

Umabante ang 76ers sa 94-92 matapos ang pares ng free throws ni Embiid, may 2:14 ang nalalabi, bago naghigpit ang Celtics sa depensa.

CLIPPERS 130,

 MAVS 122

Humataw si Kawhi Leonard ng 36 points upang pangunahan ang Los Angeles Clippers sa panalo laban sa Dallas Mavericks para sa 2-1 lead sa kanilang Western Conference first-round series.

Patuloy sa pakikihamok si Paul George na may  11 points, subalit kuminang si Landry Shamet na may 18 points at nag-ambag si Ivica Zubac ng 15 para sa Clippers, na nalimitahan si Luka Doncic sa 13 points lamang makaraang kumamada ang Dallas All-Star playmaker ng 70 sa unang dalawang laro.

Nanatiling nakadikit ang Mavericks hanggang sa magpasabog ang Clippers ng 25 points sa huling anim na minuto ng first half upang umabante sa 68-54.

JAZZ 124,

NUGGETS 87

Bumalik si Mike Conley sa  Disney bubble matapos isilang ang kanyang anak, at tumirada ng game-high 27 points, kabilang ang pitong 3-pointers, upang pangunahan ang  Utah Jazz sa paglampaso sa Denver Nuggets.

Nagdagdag si Rudy Gobert ng 24 points at  14 rebounds para sa Jazz na kinuha ang ikalawang sunod na panalo.

Makaraang matalo sa overtime sa kanilang  series opener, naitabla ng Utah ang serye, salamat sa mainit na shooting na nagresulta sa Game 2 rout.

Comments are closed.