RAPTORS, CLIPPERS, CELTICS, NUGGETS NAKAUNA

nba2

PAWANG nakauna ng panalo ang top teams sa pagsisimula ng first round ng NBA playoffs sa loob ng Walt Disney World Resort sa Florida.

Nagbuhos si Fred VanVleet ng 30 points, at tumapos ang lahat ng Toronto Raptors starters na may double-digit points, nang tambakan ng defending champions ang Brooklyn Nets, 134-110, sa Eastern Conference kahapon.

Si VanVleet ay 8 of 10 mula sa 3-point territory para sa Toronto, na kumarera sa 17-6 kalamangan sa first  quarter at hindi na lumingon pa.

Nagdagdag si Serge Ibaka ng 22 points mula sa bench at gumawa si Pascal Siakam ng 18 points at kumalawit ng 11 rebounds para sa Raptors, na umabante ng hanggang 33 points.

Nalusutan naman ng Los Angeles Clippers ang scoring barrage mula kay Dallas point guard Luka Doncic upang maitakas ang 118-110 panalo laban sa Mavericks sa Western Conference.

Tumabo si Doncic, naglalaro sa kanyang kauna-unahang playoff game, ng 42 points, 9 assists, at 7 rebounds sa loob ng 38 minuto. Subalit nakagawa rin siya ng 11 turnovers, at nahulog ang  Mavs sa 0-1 sa best-of-seven series.

Tumipa si Kawhi Leonard ng 29 points, 12 rebounds, at 6 assists, habang nagdagdag si Paul George ng  27 points para sa Clippers.

Samantala, umiskor si Jamal Murray ng 36 points, kabilang ang 10 sa overtime, nang malusutan ng Denver Nuggets ang  57-point performance ni Donovan Mitchell upang gapiin ang Utah Jazz, 135-125.

Tumapos si Nikola Jokic na may 29 points at 10 rebounds para sa Denver, na dinala ng Jazz sa overtime para sa ikalawang sunod na laro.

May pagkakataon si Jokic na selyuhan ang panalo sa regulation, subalit nagmintis ang kanyang hook shot sa buzzer laban kay  Utah’s Rudy Gobert.

Hindi rin naman nagpahuli ang Boston Celtics nang pataubin ang Philadelphia Sixers, 109-101.

Sumandal ang Celtics sa career high playoffs points ni Jayson Tatum na may 32 points at 13 rebounds.

Nag-ambag si Jaylen Brown ng  19 points, kabilang ang 15 sa fourth quarter.

Comments are closed.