NAISALPAK ni Devin Booker ang go-ahead jump shot, may 1:02 sa orasan, at pinutol ng bisitang Phoenix Suns ang six-game winning streak ng Toronto Raptors sa pamamagitan ng 99-95 panalo, Martes ng gabi.
Isang 19-footer ni Booker ang nagbigay sa Phoenix ng one-point lead at sinundan ito ni Chris Paul ng isang 16-footer, may 32.5 segundo ang nalalabi. Tinapyas ng layup ni OG Anunoby ang deficit ng Toronto sa isa, may 14.1 segundo sa orasan. Naibalik ni Booker ang three-point lead sa pamamagitan ng dalawang free throws, may 6.5 segundo ang nalalabi.
Tumapos si Booker na may 16 points bago na-foul out. Nanguna si Jae Crowder para sa Phoenix na may 19 points, nagdagdag si Deandre Ayton ng 16, at nakalikom si Paul ng 15 points at 12 assists.
Tumirada si Anunoby ng 25 points para sa Toronto, nag-ambag si Pascal Siakam ng 22 points, umiskor si Fred VanVleet ng 21 at nakakolekta sinChris Boucher ng 13 points at 16 rebounds mula sa bench.
GRIZZLIES 116,
WARRIORS 108
Kumana si Ja Morant ng game-high 29 points upang pangunahan ang Memphis Grizzlies sa ika-10 sunod na panalo makaraang gibain ang bisitang Golden State.
Kumubra si Ziaire Williams ng 17 points, at nagdagdag si Tyus Jones ng 17 points at 8 assists mula sa bench para sa Grizzlies. Tumapos si Brandon Clarke na may 14 points. Kumabig si Jaren Jackson Jr. ng 13 points at kumalawit ng game-high 11 rebounds.
Naiposte ni Stephen Curry ang kanyang ikalawang triple-double sa season, nang kumamada ng team-high 27 points at nagdagdag ng 10 rebounds at 10 assists para sa Warriors. Sa kanyang ikalawang laro matapos ang 2 1/2-year absence, umiskor si Klay Thompson ng 14 points.
CLIPPERS 87,
NUGGETS 85
Nagsalansan si Amir Coffey ng 18 points, 7 assists at 4 steals at nalusutan ng Los Angeles ang 25-point, third-quarter deficit upang gulantangin ang bisitang Denver.
Mula sa 25-point deficit ay kinuha ng Los Angeles ang 83-81 kalamangan sa 3-pointer ni Coffey, may 2:30 ang nalalabi. Naipasok ni Nicolas Batum ang isa pang tres para tampukan ang 52-22 burst at binigyan ang Clippers ng five-point edge, may 1:47 sa orasan.
Nagdagdag sina Reggie Jackson at Terance Mann ng tig-13 points para sa Los Angeles, na umiskor lamang ng 28 first-half points. Nagposte si Denver’s Aaron Gordon ng season highs na 30 points at 12 rebounds at nagdagdag si Nikola Jokic ng 21 points, 13 rebounds at 8 assists.
Sa iba pang laro ay nasingitan ng Pelicans ang Timberwolves, 128-125; pinulbos ng Bulls ang Pistons,133-87; at pinatahimik ng Wizards ang Thunder, 122-118.