NAGBUHOS si Kawhi Leonard ng 31 points at 7 rebounds, at nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 23 points mula sa bench nang igupo ng Toronto Raptors ang bumibisitang Philadelphia 76ers, 129-112, noong Martes ng gabi.
Tumipa si Kyle Lowry ng 20 points at 12 assists para sa kanyang ika-5 double-double sa season para sa Toronto, at tumapos si Pascal Siakam na may 15 points at 15 rebounds. Nag-ambag si Serge Ibaka ng 16 points at 8 rebounds, at umiskor si Danny Green ng 10 points.
Ito ang ika-6 na sunod na home victory sa pagbubukas ng season para sa Raptors, na isang franchise best. Tinalo rin nila ang 76ers sa 12 magkakasunod na home games.
Gumawa si Joel Embiid ng 31 points at humugot ng 11 rebounds para sa Philadelphia, at tumapos si Ben Simmons na may 11 points, 10 assists at 8 rebounds — kasama ang 11 turnovers.
Nagdagdag si Robert Covington ng 15 points at nagtuwang sina JJ Redick (13) at Mike Muscala (12) para sa 25 mula sa bench.
CELTICS 108, PISTONS 105
Tinapos ni Kyrie Irving ang 23-7 third-quarter run na may 11 consecutive points, kabilang ang tatlong 3-pointers, na nagbigay sa host Boston ng malaking kalamangan na muntik na nitong masayang laban sa Detroit.
Pinangunahan ni Irving ang lahat ng scorers na may 31 points upang tulungan ang Celtics na gapiin ang Pistons sa ikalawang pagkakataon sa apat na araw. Kapwa nagtala sina Blake Griffin (24 points, 15 rebounds) at Andre Drummond (17 points, 12 rebounds) ng double-doubles para sa Pistons.
THUNDER 128, CLIPPERS 110
Umiskor sina Russell Westbrook at Paul George ng tig-32 points, at nanalasa ang Oklahoma City sa second half upang pataubin ang bumibisitang Los Angeles.
Naghahabol sa 67-54 sa halftime, bumanat ang Thunder ng 23-2 run upang simulan ang third quarter, at malasap ang ikalawang sunod na panalo matapos simulan ang season na may apat na sunod na talo.
CAVALIERS 136, HAWKS 114
Nagpakawala si Rodney Hood ng season-high 26 points at tinulungan ang Cleveland na gapiin ang bumibisitang Atlanta para sa kanilang unang panalo sa pitong laro ngayong season.
Ang panalo ay kaalinsabay rin ng debut ni Cleveland coach Larry Drew, na pumalit sa sinibak na si Tyronn Lue noong Linggo.
Nakakuha rin ang Cavaliers ng 20 points mula kay Cedi Osman. Ang Cavaliers ay naglalaro na wala si Kevin Love dahil sa sore left foot.
Nanguna si Trae Young para sa Atlanta na may 24 points, at tumipa si Alex Len ng 20 points at 9 rebounds.
KINGS 107, MAGIC 99
Naitala ng Sacramento ang ika-4 na sunod na panalo makaraang gibain ang host Orlando.
Ito ang pinakamagandang simula ng Kings sa apat na seasons.
Ang 5-3 simula ng Sacramento ngayong season ang pinakamaganda nito matapos ang 5-3 opening noong 2014-15 season.
Nanguna si Buddy Hield para sa Kings na may season-high 25 points at 11 rebounds, at nagdagdag si Nemanja Bjelica ng 21 points. Gumawa si Willie Cauley-Stein ng 14 points at 11 rebounds.
HORNETS 125, HEAT 113
Tumipa si Tony Parker ng 24 points at 11 assists mula sa bench at pinalamig ng Charlotte ang Miami sa ikalawang pagkakataon sa loob ng 11 araw.
Bumuslo si Parker, isang 17-year veteran sa kanyang unang season sa Hornets, ng 8 of 15 mula sa field sa gabing bumanat ang Hornets ng 54.3 percent mula sa floor at 13 of 28 mula sa 3-point range.
GRIZZLIES 107, WIZARDS 95
Umiskor si Garrett Temple ng 20 points, at nagdagdag sina Mike Conley at Marc Gasol ng tig-19 nang padapain ang Memphis ang bumibisitang Washington para sa ikalawang sunod na panalo.
Naisalpak ni Temple 4 of 7 3-point attempts at ang lahat ng kanyang anim na foul shots. Humugot din siya ng pitong rebounds.
Comments are closed.