LIYAMADO na ngayon ang Toronto Raptors na masikwat ang kanilang kauna-unahang NBA championship makaraang kunin ang 3-1 kalamangan laban sa Golden State Warriors, habang pinapaboran si star Kawhi Leonard na mag-uwi ng MVP award.
Ang Warriors ay pinapaboran pa rin na maidedepensa ang kanilang korona matapos na matalo sa Game 3, subalit nagbago ang lahat kasunod ng 92-105 pagkatalo noong Biyernes ng gabi. May dalawang panalo sa road games sa serye, ang Raptors ay nangangailangan na lamang ng isang panalo sa susunod na tatlong laro, kabilang ang dalawang pagkakataon sa home.
Inilista ng online bookmaker na PointsBet ang Raptors sa -715 para manalo sa serye, habang ang BetStars at FanDuel ay kapwa may -700 at -590 naman sa SugarHouse.
Gayunman, kapag nanalo ang Warriors sa Game 5 sa Toronto sa Lunes ng gabi (Martes sa Manila), babalik ang mga pusta sa Golden State na mananalo sa pitong laro.
Samantala, naunahan na ni Leonard si Stephen Curry bilang MVP favorite.
Inilista ng PointsBet si Leonard sa -715, habang bumagsak si Curry sa +500. Sa FanDuel ay nasa -650 si Leonard at +450 si Curry, habang itinala ng SugarHouse sa -500/+500 ang dalawang players.
Sa kabilang dako, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Warriors na manalo sa NBA Finals kahit nakalubog sila 1-3.
Ayon kay Curry, hindi sila susuko hanggang may pagkakataon pang magwagi sila sa mga susunod na laro.
“You don’t succeed the way we have over the course of these years without that mentality,” sabi ni Curry.
“So as the second half unfolds and things aren’t going our way, we’re still fighting and trying to get over the hump. But until the final buzzer sounds and somebody gets the four wins, we still have life and have an opportunity to win,” dagdag pa niya.
Comments are closed.