NAGBUHOS si Kevin Love ng 22 points at kumalawit ng 9 rebounds sa kanyang unang start sa season nang ilampaso ng host Cleveland Cavaliers ang kulang sa taong Toronto Raptors, 144-99, Linggo ng gabi.
Umiskor din si Darius Garland ng 22 points at nagdagdag ng 8 assists para sa Cavaliers, na kulang din sa tao dahil sa COVID-19 protocols.
Sa pagkawala ng 10 players dahil sa health at safety protocols, ang Raptors ay may 8 players lamang na nakauniporme. Dahil sa postponements, hindi sila nakapaglaro magmula noong Dec. 18.
Nag-ambag si Lauri Markkanen ng 20 points para sa Cavaliers, na nanalo ng pito sa kanilang huling walong laro, at galing sa talo sa Boston Celtics noong Miyerkoles.
Nakakolekta si Denzel Valentine ng 17 points at 9 rebounds mula sa bench para sa Cleveland. Nagtala rin si Dean Wade ng 17 points at nagdagdag si Ricky Rubio ng 16.
Kumamada si Yuta Watanabe ng 26 points at 13 rebounds para sa Toronto. Kumubra si Chris Boucher ng 21 points, gumawa si D.J. Wilson ng 15 points at tumipa si Svi Mykhailiuk ng 10.
Abante ang Cleveland ng 17 points sa halftime at sinandigan ang 46-23 third quarter upang kunin ang 118-78 bentahe papasok sa fourth.
Lumobo ang kalamangan sa 129-84 sa layup ni Cleveland reserve RJ Nembhard Jr., may 8:52 ang nalalabi.
Angat ang Cleveland sa 35-34 matapos ang first quarter. Tumipa si Markkanen ng 11 points sa kaagahan ng second quarter nang kunin ng Cleveland ang 11-point lead, may 8:29 sa orasan.
Umabot ang kalamangan sa 15 sa 3-pointer ni Valentine, may 1:41 ang nalalabi. Tinapos ni Valentine ang first half sa pamamagitan ng steal at dunk upang bigyan ang Cleveland ng 72-55 kalamangan.
76ERS 117, WIZARDS 96
Tumirada si Joel Embiid ng 36 points at 13 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia 76ers laban sa host Washington Wizards.
Kumabig si Tobias Harris ng 23 points at nagdagdag si Furkan Korkmaz ng 14 para sa Sixers. Nagposte si Tyrese Maxey ng 13 at nakalikom si Seth Curry ng 11.
Naglaro ang Sixers na wala sina Andre Drummond, Danny Green at Shake Milton sa health at safety protocols.
Lumiban din sa Washington sina Bradley Beal, Kentavious Caldwell-Pope at Raul Neto dahil sa health at safety protocols.
Nanguna si Spencer Dinwiddie sa Wizards na may 17 points at gumawa si Montrezl Harrell ng 15 bago na-eject. Tumabo si Davis Bertans ng 14 at nagsalansan si Kyle Kuzma ng 12 points at 10 rebounds.
HEAT 93, MAGIC 83
Kumamada si Jimmy Butler ng 17 points at 11 rebounds sa kanyang pagbabalik mula sa eight-game absence upang pangunahan ang host Miami Heat sa panalo kontra Orlando Magic.
Nakakolekta si third-string center Omer Yurtseven ng 16 points at game-high 15 rebounds sa kanyang unang career start dahil sa injuries nina Bam Adebayo at Dewayne Dedmon.
Nanguna para sa Orlando sina Gary Harris (game-high 20 points), R.J. Hampton (14 points) at Wendell Carter Jr. (eight points, 14 rebounds).
Si Miami’s Kyle Lowry, na pumasok sa laro na fifth sa NBA sa assists average (8.2), ay inilagay sa COVID-protocol list bago ang laro.
Sa kabila nito ay nakopo ng Heat ang ika-5 sunod na panalo laban sa cross-state rival nito.