RAPTORS NALUSUTAN ANG HAWKS

raptors vs hawks

UMISKOR si Serge Ibaka ng winning basket, may 17 segundo ang nalalabi, at naitala ng Toronto Raptors ang kanilang ika-6 na sunod na panalo sa home nang matakasan ang Atlanta Hawks, 104-101, noong Martes ng gabi.

Nagbuhos si Kawhi Leonard ng 31 points, tumipa si Pascal Siakam ng 13 points at 10 rebounds, at gumawa si Kyle Lowry ng 16 points nang maiposte ng Raptors ang ika-6 na sunod na panalo kontra Hawks.

Tumapos si John Collins na may 21 points at 14 rebounds, nakalikom si Jeremy Lin ng 20 points at nagdagdag si Trae Young ng 19 para sa Hawks.

WARRIORS 122, KNICKS 95

Humataw si Klay Thompson ng pitong 3-pointers sa 43-point performance noong Martes ng gabi upang tulungan ang Golden State Warriors na igupo ang  New York Knicks sa Oakland, Calif.

Kumana si Kevin Durant  ng 24 points at nag-ambag si Stephen Curry ng 14 points na may season-high 14 assists, upang tulungan ang Warriors na putulin ang three-game home losing streak.

Bumanat si Mario Hezonja ng team-high 19 points para sa Knicks,  na tinapos ang 14-day, six-game trip sa kanilang ika-5 kabiguan.

NUGGETS 103, HEAT 99

Tumirada si Nikola Jokic  ng 29 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-4 na triple-double sa season, at ang kanyang basket, may 2.4 segundo ang nalalabi, ang naglagay sa Western Conference-leading Denver sa trangko.

Tumipa si Jamal Murray  ng 18 points, nagdagdag si Trey Lyles ng 15, gumawa si Paul Millsap ng 12 points at tumapos si Torrey Craig na may 11 points at 16 rebounds para sa Nuggets.

PACERS 123, CAVALIERS 115

Tumirada si Thaddeus Young ng 26 points, nagposte si Bojan Bogdanovic ng  23 at napigilan ng Indiana ang pag­hahabol ng Cleveland, na nalasap ang ika-10 sunod na talo.

Ang Cleveland ang may pinakamasamang record sa liga sa 8-33.

Kumabig si Victor Oladipo ng 17 points at nagdagdag si Domantas Sabonis ng 15 para sa Pacers,  na nanalo ng pito sa walo.

SIXERS 132,

WIZARDS 115

Naisalpak ni rookie Landry Shamet ang walong 3-pointers at nagbuhos ng 29 points,  na kapwa career-highs, at nagdagdag si Joel Embiid ng 20 points at 10 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia sa pagbasura sa Washington.

Nag-ambag si Jimmy Butler ng 20 points at tumipa si Ben Simmons ng 19 points, 9 assists at 5 rebounds para sa 76ers,  na nagwagi ng apat na sunod.

Umiskor si Bradley Beal ng 28 points para sa Wizards.

Umangat ang Philadelphia sa NBA-best 18-3 sa home.

Comments are closed.