NAGBUHOS si Fred VanVleet ng 23 points na may kasamang 9 assists upang pangunahan ang Toronto Raptors sa 110-103 panalo laban sa bisitang Philadelphia 76ers noong Linggo ng gabi (US time).
Umiskor din si Pascal Siakam ng 23 points para sa Raptors at kumalawit ng 7 rebounds at nagbigay ng 8 assists.
Naitala ni Chris Boucher ang 11 sa kanyang 17 points sa fourth quarter mula sa bench para sa Raptors, na nanalo ng apat na sunod. Nagdagdag sina Norman Powell ng 11 points at OG Anunoby ng 10.
Gumawa si Ben Simmons ng 28 points para sa 76ers, na natalo ng 16 na sunod sa road games kontra Toronto. Nag-ambag sj Joel Embiid ng 25 points at 17 rebounds para Philadelphia, Nakalikom si Tobias Harris ng 13 points at 7 assists, at nagdagdag si Seth Curry ng 12 points.
BUCKS 128,
KINGS 115
Kumamada si Giannis Antetokounmpo ng double-double sa halftime at nakipagtuwang siya kay Khris Middleton para sa 70 ng mga puntos ng Milwaukee Bucks sa 128-115 panalo kontra bisitang Sacramento Kings.
Tumapos si Antetokounmpo na may game-high 38 points at 18 rebounds, at nagdagdag ng 4 assists. Tumipa si Middleton ng 32 points, at bumuslo ng 13 of 22 mula sa field at nagdagdag ng 8 rebounds, 6 assists at 4 steals.
Kinuha ng Bucks ang ikalawang sunod na panalo makaraang putulin ang five-game losing streak.
Nalasap ng Sacramento ang ika-7 sunod na pagkabigo at naglaro na wala si leading scorer Harrison Barnes (left foot strain) sa ikatlong sunod na pagkakataon.
NETS 112,
CLIPPERS 109
Nakalikom si James Harden ng 37 points, 11 rebounds at 7 assists nang gapiin ng Brooklyn Nets ang Los Angeles Clippers, 112-108.
Umiskor si Kyrie Irving ng 28 points na may 8 assists para sa Nets na matagumpay na nakumpleto ang five-game road trip.
Umangat din sila sa 7-0 laban sa Pacific Division ngayong season.
Nagposte sina Joe Harris, DeAndre Jordan at Bruce Brown ng tig-13 para sa Nets. Kumalawit din si Jordan ng 11 rebounds at nagtala ng 4 blocks, habang may 4 steals si Brown.
Sa ika-4 na sunod na pagkakataon ay hindi nakapaglaro siKevin Durant (hamstring) para sa Brooklyn.
HAWKS 123,
NUGGETS 115
Tumabo si Trae Young ng 35 points at nagdagdag si Clint Capela ng 22 nang kalawitin ng Atlanta Hawks ang bisitang Denver Nuggets, 123-115.
Nagwagi ang Atlanta sa dalawa sa huling tatlong laro nito, habang natalo ang Denver ng tatlo sa kanilang huling apat na laro.
Si Young ay 10-for-19 mula sa floor, kabilang ang apat na 3-pointers, at nagbigay ng 15 assists. Ito ang ika-11 pagkakataon na umiskor si Young ng 30-plus points. Si Capela ay 8-for-9 mula sa field at humugot ng 10 rebounds para sa kanyang team-leading 20th double-double.
Sa iba pang laro, pinaamo ng New York Knicks ang Minnesota Timberwolves, 103-99; pinataob ng Orlando Magic ang Detroit Pistons, 105-96; at ginapi ng Oklahoma City Thunder ang Cleveland Cavaliers, 117-110.
Comments are closed.