UMISKOR si Norman Powell ng season-best 23 points mula sa bench at dinispatsa ng Toronto Raptors, naglaro na wala si Kawhi Leonard subalit muling nakasama si Kyle Lowry sa lineup, ang bumibisitang Indiana Pacers, 121-105, noong Linggo ng gabi.
Nagtala si Lowry ng 12 points at 8 assists makaraang lumiban sa anim na sunod na laro dahil sa stiff back. Ito ang ika-11 sunod na pagkatalo ng Pacers sa regular season sa Toronto, mula pa noong Marso 2013.
Nagdagdag si Serge Ibaka ng 18 points at gumawa si Danny Green ng 15 para sa Raptors, na tinalo ang Bucks sa Milwaukee noong Sabado ng gabi.
Tumapos si Bojan Bogdanovic na may 21 points at 9 rebounds upang pangunahan ang Pacers, na naputol ang six-game winning streak. Kumabig si Domantas Sabonis ng 16 points at humablot ng 11 rebounds, at nag-ambag si Victor Oladipo ng 16 points.
TIMBERWOLVES 108, LAKERS 86
Bumira si Jeff Teague ng pares ng 3-pointers sa game-opening, 15-1 run na nagbigay-daan para tambakan ng host Minnesota ang Los Angeles, na naglaro na wala pa rin si LeBron James.
Ang panalo ay naitala ilang sandali makaraang sibakin si head coach at president of basketball operations Tom Thibodeau, na tumapos sa kanyang panunungkulan sa kalagitnaan ng kanyang ikatlong season sa Minnesota. Inanunsiyo ng koponan ang hakbang matapos ang laro, kung saan hinirang si assistant Ryan Saunders bilang interim head coach.
Tumapos si Teague na may 15 points at game-high 11 assists, habang nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 28 points at game-high 18 rebounds para sa Timberwolves. Nakalikom si Lance Stephenson ng 14 points at 6 assists mula sa bench upang pangunahan ang Lakers, na natalo sa ika-5 pagkakataon sa anim na laro magmula nang magtamo si James ng groin injury noong Pasko sa panalo laban sa Golden State Warriors.
CLIPPERS 106, MAGIC 96
Ipinamalas ng host Los Angeles ang isa sa pinakamatikas na defensive games nito sa season upang igupo ang Orlando.
Ang Clippers ay ika-24 sa depensa, kung saan nagbigay ito ng average na 114.7 points per game, subalit nalimitahan nila ang Magic sa 37.1 percent shooting mula sa floor. Tumirada si Tobias Harris ng 28 points at 9 rebounds, at umiskor si Lou Williams ng 17 mula sa bench para sa Clippers, na nanalo ng anim sa kanilang huling siyam.
Kumamada si Nikola Vucevic ng 16 points at 24 rebounds para sa Magic, na natalo sa tatlo sa kanilang huling apat na laro at sa pito sa kanilang huling 10 laro.
Sa iba pang laro ay inilampaso ng Wizards ang Thunder, 116- 98; nilambat ng Nets ang Bulls, 117-100; pinalubog ng Hornets ang Suns 119-113; at pinalamig ng Hawks ang Heat, 106- 82.
Comments are closed.