NAITALA ni Fred VanVleet ang 10 sa kanyang 25 points sa fourth quarter at nagwagi ang Toronto Raptors sa unang pagkakataon sa season makaraang igupo ang New York Knicks, 100-83, noong Huwebes ng gabi sa Tampa, Florida.
Ang Raptors, nabigo sa kanilang unang tatlong laro sa season, ay namayani sa siyam na sunod na laro kontra Knicks, na 2-3 sa season.
Hindi naglaro si Toronto forward Pascal Siakam, at ayon team sources, ito ay dahil sa disciplinary reasons.
Nagdagdag si Kyle Lowry ng 20 points para sa Raptors. Naiposte ni Alex Len, hindi naglaro sa first half, ang lahat ng kanyang 11 points sa third quarter.
Umiskor si Julius Randle ng 16 points at kumalawit ng 10 rebounds para sa Knicks bago paika-ikang lumabas ng court, may 3:24 ang nalalabi sa laro.
Nag-ambag si Kevin Knox II ng 16 points para sa Knicks, tumipa si Elfrid Payton ng 14 at gumawa si RJ Barrett ng 12.
Ang Knicks ay 3-for-36 sa 3-point attempts habang ang Toronto ay kumonekta ng 17 of 52 mula sa long range.
ROCKETS 122,
KINGS 119
Nalusutan ni James Harden ang mabagal na simula upang pangunahan ang host Houston Rockets sa panalo laban sa Sacramento Kings.
Tumapos si Harden na may 33 points at 8 assists, at malaki ang naging kontribusyon niya sa huling 18 points ng Rockets, na nanalo sa unang pagkakataon ngayong season.
Ang kanyang 3-pointer sa huling 3:05 ang nagbigay sa Houston ng 111-110 kalamangan, at nagdagdag si
Harden ng dalawang free throws at isang assist kay Christian Wood upang palobohin ang kalamangan sa lima.
Nagdagdag si John Wall ng 22 points at 9 assists sa kanyang Rockets debut. Nagtala si Wood ng 21 points at 12 rebounds, habang umiskor si DeMarcus Cousins, naglaro rin sa unang pagkakataon para sa Rockets, ng 8 points.
Kumamada si Harrison Barnes ng 24 points upang pangunahan ang Kings, na nakakuha ng 22 points mula kay De’Aaron Fox, 22 points at 13 rebounds kay Richaun Holmes at 19 points at limang 3-pointers kay Buddy Hield.
PACERS 119,
CAVALIERS 99
Pinangunahan ni Domantas Sabonis ang anim na Indiana scorers sa double-figures na may 25 points nang pataubin ng Pacers ang Cleveland Cavaliers.
Tumipa ang Cavaliers backcourt duo nina Collin Sexton at Darius Garland ng game-high 28 points at 21, ayon sa pagkakasunod.
PELICANS 113,
THUNDER 80
Nagbuhos si Brandon Ingram ng 20 points upang pangunahan ang New Orleans Pelicans sa panalo kontra Oklahoma City Thunder.
Gayunman ay wala si Ingram sa fourth quarter makaraang mapatalsik sa third quarter dahil sa flagrant foul.
Sa iba pang laro ay pinulbos ng Philadelphia 76ers ang dating walang talong Orlando Magic, 116-92, at nasingitan ng Chicago Bulls ang Washington Wizards, 133-130.
Comments are closed.