RAPTORS TUMABLA

Raptors

NAGBUHOS si Kyle Lowry ng 25 points at nagdagdag si Kawhi Leonard ng 19 upang pangunahan ang Toronto Raptors sa 120-102 panalo laban sa Milwaukee Bucks noong Martes ng gabi (Miyerkoles sa Manila) upang maipatas ang Eastern Conference finals sa 2-2.

Tumipa si Serge Ibaka ng 17 points at 13 rebounds para sa Raptors, na umangat sa 7-2 sa home ngayong postseason. Umiskor si reserve Norman Powell ng 18 points, at gumawa si Marc Gasol ng 17.

Ang home team ay nanalo sa lahat ng apat na laro sa series sa kasalukuyan. Ang Game 5 ay nakatakda sa Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila) sa Milwaukee.

Tumirada si Giannis Antetokounmpo ng 25 points at 10 rebounds para sa top-seeded Bucks at nagtala si Khris Middleton ng 30 points.

Nalasap ng Milwaukee ang ikalawang sunod na kabiguan kasunod ng six-game winning streak.

Nagtala si Toronto’s Fred VanVleet, nagmintis ng 16 sa 20 shot attempts sa unang tatlong laro ng serye, ng 5-for-6 mula sa field sa Game 4. Naipasok niya ang kanyang tatlong three-point tries at tumapos na may 13 points.

Abante sa 94-81 sa pagsisimula ng fourth, napalobo ng Raptors ang kanilang kalamangan sa 10-3 spurt, kabilang ang pitong puntos mula kay VanVleet. Isang fast-break layup ni Powell ang nagbigay sa Toronto ng 104-84 bentahe, may 8:35 ang nalalabi.

Bumuslo si Anteto­kounmpo ng 5-for-8 sa opening frame, at napantayan ang bilang ng basket na kanyang naipasok sa double-overtime loss ng Milwaukee sa Game 3. Gayunman, nagtala lamang ang Bucks star ng 4-for-9 sa mga sumunod na yugto.