INIULAT ng Bureau of Management and Penology (BJMP) na bumaba sa 322 mula sa 365 na porsiyento ang congestion o kasikipan sa mga kulungan sa lungsod at sa mga munisipalidad kumpara noong nakaraang taong 2023.
Iniugnay ni BJMP chief Jail Director Ruel Rivera ang pagbaba sa kamakailang pagpapalaya sa mga person deprived of liberty (PDLs) at sariling pagsisikap ng bureau na pahusayin ang mga pasilidad ng kulungan, sa kabila ng limitadong mapagkukunan.
“Malaki na hong bagay ‘yon dahil mahigit 8,000 ang lumaya doon sa nasabing datos na binigay namin at meron din po kaming 15 na naisaayos at naisagwa na piitan kaya nagluwag ito,” ani Rivera.
Sa kabila ng bahagyang pag-decongestion ng mga kulungan, ang BJMP ay kulang pa rin ng mga kawani upang magampanan nang husto ang pangangasiwa at operasyon ng mga pasilidad sa ilalim ng pangangalaga nito.
Inihayag ni Rivera na kulang na kulang sila sa mga jail guard, “Pag tiningnan ho ninyo kulang na kulang po kami, almost half po ang kakulangan. Kaya ‘pag nakikita n’yo mga escorting service namin, sa isang bus, 10, 15 lang ang nag-e-escort.”
Aniya, ang kasalukuyang ratio na dapat para sa bawat isang PDL ay mayroong isang team leader at dalawa pang tauhan na tutulong.
Ang BJMP ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG) habang ang BuCor ay nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
EVELYN GARCIA