RATIPIKADONG AMYENDA SA PSA, BIYAYA SA MGA PINOY

PINURI  ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang Bicameral Conference Committee Report tungkol sa House Bill 78 at Senate Bill 2094, na mag-aamyenda sa 85-taon nang Public Service Act (PSA).

Bubuksan ng bagong panukalang batas ang bansa sa pagdagsa ng malalaking dayuhang puhunan dahil aalisin nito ang sobrang higpit na mga alituntunin sa dayuhang pamumuhunan.

Inilarawan ni Salceda ang HB 78 na siya ang pangunahing may-akda, na pinakamahalagang reporma, kasunod sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na likha rin niya at ngayon ay batas na, dahil bubuksan nito hanggang 100% sa dayuhang puhunan ang maraming sektor ng ekonomiya, maliban sa pagpapadaloy at pamamahagi ng koryente, mga linya ng tubig at imburnal, mga pantalan, mga linya ng gasolina, sasakyang pampasahero.

Ayon kay Salceda, isusulong din ng CREATE at bagong PSA ang pamumuhunan sa makabagong mga impraestruktura sa mga rehiyon gaya ng bagong bukas na Bicol International Airport sa Albay na kanyang lalawigan, bukod sa edukadong mga manggagawa upang makasabay ang Pilipinas sa mauunlad na bansa sa mundo.

“Ito ang pinakamabisang tugon sa nakabiting pag-unlad natin dulot ng pagsakal sa dayuhang puhunan na atas ng ating 1987 Saligang Batas. Malawakang reporma ito dahil kailangan natin ang dayuhang mga puhunan. Bastante tayo sa talento ngunit nangingibang bansa sila dahil nandoon ang puhunang lilikha ng trabaho para sa kanila,” paliwanag ng mambabatas.

“Hindi kataka-takang kulelat tayo sa ating mga kalapit bansa kung dayuhang pamumuhunan ang pag-uusapan. Sa buong ASEAN, tayo ang pinakamahigpit. Gagamutin ito ng bagong PSA,” dagdag niya.

Pinuri ng solon ang Bicam sa higit nitong liberal na bersiyon ng PSA. Tinanggal nito ang panukala ng Senado na mahigpit na pagsusuri ng buong National Security Council sa mga tinagurian nilang maseselang impraestruktura.

Inaasahan ni Salceda na isang respetadong ekonomista, na magdudulot ng malawakang benepisyo ang bagong PSA gaya ng pagdagsa ng malalaking dayuhang puhunan at paglikha ng maraming trabaho sa bansa. “Inaasahan namin ang mga P299 bilyong dayuhang puhunan sa susunod na limang taon bukod sa iba pang sektor na mabubuksan. Inaasahan din namin na ang paglago ng ‘gross value added (GVA)’ sa iba’t-ibang sektor ay palalaguin ang ‘gross domestic product’ (GDP) natin ng higit sa ‘0.47 percentage points’ mula sa ‘baseline,’ dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Salceda na ang pangunahing benepisyong dulot ng amyenda sa PSA ay ang ‘credible threat of external competition’ sa mga sangkot sa mahahalagang sektor na parang bantang panganib ngunit binabawasan lamang ang impluwensiya ng mga monopoly at oligopoly para taasan ang kanilang presyo o babaan ang kalidad at bisa ng kanilang serbisyo.

“Bukod sa nagdudulot ng higit na murang presyo ang kumpetisyon, iniaatas din ng bagong PSA na isauli sa publiko ang mga sobrang singil ng mga negosyo o kaya magbayad sila ng multa,”dagdag niya.

“Ngayon may malinaw na batas na tayong magpaparusa sa mga naniningil ng sobra. Pakinabang ito agad sa mga konsyumer. Sa malaon, lilikha ito ng maraming kapaki-pakinabang na trabaho ang pagdagsa ng malalaking dayuhang puhunan na aakit sa maraming mga OFW natin na umuwi na lang,” patapos niyang paliwanag.