MAGLALARO sina Japan-based professionals Dwight Ramos, Kiefer Ravena, at Thirdy Ravena para sa Gilas Pilipinas sa fifth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers sa Nobyembre.
Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) nitong Lunes na magiging available ang tatlong B.League players para sa mga laro ng Gilas Pilipinas kontra Jordan at Saudi Arabia sa Nobyembre.
Gayunman ay hindi pa makakasama ang tatlong players sa weekly training sessions ng Gilas na magsisimula sa Lunes ng gabi sa Meralco Gym.
Lalaro rin para sa national team sa November window sina June Mar Fajardo at CJ Perez ng San Miguel, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, at Arvin Tolentino ng Barangay Ginebra, at Roger Pogoy at Poy Erram ng TNT.
Inimbitahan din ng SBP sina UAAP players Angelo Kouame, Carl Tamayo, Kevin Quiambao at long-time pool members Francis Lopez, William Navarro at Jordan Heading.
Ayon kay Gilas coach Chot Reyes, inaasahan din ang pagdalo nina PBA players Chris Newsome, Kevin Alas, Calvin Oftana, at Jamie Malonzo sa training sessions dahil bahagi pa rin sila ng national pool.
Makakaharap ng Gilas ang Jordan sa November 10 at Saudi Arabia sa November 13.