SINUSPINDE ng FIBA ng 18 buwan si Gilas Pilipinas guard Kiefer Ravena makaraang magpositibo sa ‘banned substances’.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), si Ravena ay banned mula Pebrero 25, 2018 hanggang Agosto 24, 2019.
Nilinaw ng SBP na hindi nagpositibo si Ravena sa ilegal na droga.
Sinabi ni Ravena na ang banned substance ay nagmula sa isang over-the-counter mixed drink na kanyang ininom bago ang laro ng Gilas Pilipinas laban sa Japan noong Pebrero.
Nagwagi ang Pilipinas sa naturang laro, 89-84, subalit sinabi ng SBP na hindi maaapektuhan ang resulta ng laro ng suspensiyon ni Ravena.
Inaasahang magpapatuloy si Ravena sa paglalaro sa kanyang rookie season para sa NLEX Road Warriors sa PBA habang humihingi ng klari-pikasyon ang SBP sa FIBA hinggil sa saklaw ng ban.
Si Ravena ay may average na 7.3 points, 2.0 rebounds at 3.3 assists per game para sa Gilas Pilipinas sa nakalipas na dalawang qualifying windows.
Inilarawan ng mga opisyal ng SBP ang insidente bilang ‘wakeup call’ para sa Philippine basketball, at sinabing maglulunsad ito ng information campaign para maging maingat ang mga atleta sa mga substance na mabibili sa merkado.
Comments are closed.