RCBC nagbigay ng payo paano protektahan ang pinaghirapang pera mula sa mga online scammers

Babala! Maging alerto sa mga natatanggap ng tawag, email o text message na nagpapanggap na galing sa bangko, at huwag basta magki-click sa isang mukhang lehitimong link! Kundi, sa isang iglap, nadisgrasya ang pinaghirapang pera at mga panaginip.

Kung hindi maingat, posibleng ma-biktima ang kliente sa mga modus ngayon ng mga online scammers. Personal na impormasyon, detalye ng bangko, at higit sa lahat, ang pinaghirapang ipon—mawawala nang hindi mo namamalayan.

Habang mas maraming Pilipino ang tumatangkilik sa online banking, mas lumalaki rin ang banta ng cybercrime.

Ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) ay nangunguna sa pagtuturo sa lumalaking banta ng cybercrime.

Ayon kay Jericho Konrad Uy, head ng RCBC Enterprise Fraud Risk, ang phishing ang karaniwang pamamaraan ng mga online scammer sa pag-target sa mga tao. Nagpapadala sila ng pekeng text o email o tatawag at magpapanggap na galing sa bangko upang lokohin ang kliyente na ibigay ang mga detalye ng kanilang account.

“Gumagamit ang mga scammer ng iba’t ibang taktika upang mas mabilis nilang makuha ang tiwala ng kanilang biktima, tulad ng ‘pagsakay’ sa mga promosyon tulad ng libreng gamit o premyo o system migrations ng mga bangko. Ang mahalagang pagkakaiba ay kung paano nila ginagamit ang mga taktikang ito upang gawing mas lehitimo ang kanilang mga phishing attempts,” sabi ni Uy.

Ayon naman kay Carlos Tengkiat, Chief Information Security Officer ng RCBC, inaasahan ng mga scammer na gumagamit ang mga tao ng parehong username at password sa iba’t ibang platform.

“Nakikita namin na mas dumadalas ang mga scammer na gumagamit ng nakaw na impormasyon upang ma-takeover ang mga account ng tao. Mas gumagaling din sila sa pagpapanggap bilang mga lehitimong seller sa mga online shopping sites upang malinlang ang mga user,” ani Tengkiat.

Upang labanan ang mga banta na ito, naging maagap ang RCBC sa pagtuturo sa kanilang mga kliyente. Pinaalalahanan ni Tengkiat ang mga customer na manatiling updated tungkol sa mga data breach at regular na palitan ang kanilang mga password.

“Gamitin ang lahat ng security controls na available sa iyong platform, tulad ng OTP [One-Time Password] o MFA [Multi-Factor Authentication], at i-enroll ang sarili sa lahat ng channel na ibinibigay ng bangko. Kung hindi mo balak gamitin ang mga serbisyong ito, pwedeng ipa-disable muna sa bangko,” dagdag niya.