APRUBADO ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang executive order na nagpapatupad ng mga commitment ng Pilipinas sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at inatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na magsagawa ng isang nationwide educational campaign kung paano lubos na mapakinabangan ng bansa ang free trade agreement.
“I think we have to make the public understand, especially different sectors to which the RCEP is, particularly… these new schedules, and explain to them,” sabi ng Pangulo sa pulong ng NEDA Board kahapon sa Malacanang.
“There’s a transition period… to what is this, and how do we take full advantage of it… there is a
potential, there is an opportunity here and it’s up to us on how to take full advantage of it. So as the government, we must explain it deeper to small businesses, to large businesses,” sabi pa ng Pangulo.
Inatasan ng Pangulo ang mga ahensiya na “gawing malinaw” sa mga tao ang mga benepisyo ng RCEP sa sektor ng agrikultura ng bansa at kung paano ito nakakaapekto sa mga negosyo at operasyon ng agrikultura.
“Because I know people are watching meetings. So let’s make it very clear. Ito ‘yung mga puwede nating gawin na hindi natin kayang gawin noon. But basically… we now have access to two billion population market,” at idinagdag na dapat palakasin ng Pilipinas ang pagmamanupaktura at produksyon nito para maging mas mapagkompitensya sa rehiyon.
Kasabay nito, ang trade bloc, aniya, ay maaaring lumikha ng mga bagong asset para sa bansa, gayundin ang access sa mga linya ng supply na sa kasalukuyan ay wala.
Sa hiwalay na press briefing sa Malacañang, inilarawan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ang RCEP bilang isang “modern, comprehensive, high quality and mutually beneficial economic partnership agreement na nagbibigay ng mga pagkakataon para sa market access sa kalakalan, serbisyo at pamumuhunan.”
Ayon kay Pascual, ang EO ay iminungkahi na maging epektibo sa Hunyo 2, 2023 upang magkasabay sa pagtatapos ng 60-araw na panahon “pagkatapos ng deposito ng instrumento ng ratipikasyon.”
Tiniyak ni Pascual na ang publiko, lalo na ang mga negosyo, ay “malalaman sa mga benepisyong makukuha nila mula sa RCEP gayundin sa iba pang umiiral na kasunduan sa kalakalan.”
Samantala, tiniyak din ng administrasyong Marcos sa publiko na ang mga benepisyo ng RCEP ay ibinabahagi nang pantay-pantay sa lahat ng stakeholder at ang mga naaangkop na hakbang ay inilalagay upang mabawasan ang mga potensyal na negatibong epekto sa mga mahihinang sektor ng populasyon.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na ang RCEP ay magiging mabuti para sa bansa dahil sa pagtaas ng kalakalan na idudulot nito sa iba’t ibang miyembrong ekonomiya, habang inalis niya ang mga paniwala na ang free trade agreement ay makakasama sa mga lokal na industriya ng bansa.
Ang RCEP ay isang free trade agreement (FTA) sa pagitan ng 10 miyembrong estado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng limang FTA partners nito: Australia, China, Japan, New Zealand at Republic of Korea. EVELYN QUIROZ