RD NG CENTRAL LUZON PASOK SA IMBESTIGASYON SA SCAM FARMS

INAMIN ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil na maaaring umabot sa regional director ng Police Region Office 3 o Central Luzon PNP ang imbestigasyon kaugnay sa pagsulpot ng scam hub sa kanyang nasasakupan.

Sa isinagawang Monday Press Conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Marbil na ito ang itinuturing na illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban sa Tarlac at Porac, Pampanga.

Paglilinaw naman ni Marbil ang imbestigasyon ay hindi patungkol kung protektor ang mga pulis sa scam farm o hub kundi ang kabiguan na maimbestigahan nang mabuti ang mga krimen at iregularidad sa nasasakupan.

Aniya, ang kawalan ng kakayahan nito ang dahilan kung bakit sinibak sa puwesto ang hepe ng Porac Police at provincial director ng Pampanga gayundin ang lahat ng puwersa sa Bamban, Tarlac.

“Una hindi naman term na protector pero kasi may resemblance, for example sa Porac, bakit natin ni-relieve ‘yung provincial director at chief of police kasi may killings doon na hindi naimbestigahan mabuti, hindi normal eh, dapat inimbestigahan nila saan ba nanggagaling ito? Dapat inaalam nila, then sa Bamban din bakit ni-relieve? Lahat kasi may unfounded bodies,” ayon kay Marbil.

Diin pa ni Marbil, ang naging reaction at paraan ng pagresponde ng mga pulis na may kinalaman sa illegal POGO kung bakit natanggal at iniimbestigahan ngayon at hindi dahil sa umano’y protector ng maling gawain.

” I don’t way to say protector kasi wala naman talagang protector, I guess ang hinahabol natin ay inefficiency sa. kapulisan natin, bakit hindi naiimbestigahan at hindi naire-report sa headquarters ang ganitong pangyayari,” dagdag ni Marbil.

Sa tanong naman kung aabot sa RD ng PRO3 ang imbestigasyon, sinabi ni Marbil na may posibilidad ito para malinawan ang mga pangyayari.

“Lahat iyan possibilites but we are looking dun sa talagang direct na nadiyan ‘yung provincial director.and of course chief of police, we are investigating din po ‘yung regional director at ng report na hindi naaksyonang mabuti, meron kaming ginagawang investigation, ayon pa kay Marbil.
EUNICE CELARIO