NAGHAIN ng “not guilty plea” kahapon ang dating regional director ng National Bureau of Investigation, Central Mindanao Regional Office (NBI-CEMRO) sa Makati City Regional Trial Court (RTC) makaraang masangkot sa kasong pakikipagsabwatan sa droga na nadiskubre sa isang mega shabu laboratory.
Dakong ala-1:00 ng hapon ng maghain ng “not guilty plea” sa Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 62 si Atty. Augusto Eric Isidro na nakulong nito lamang Setyembre dahil sa kanyang pagkakasangkot sa kasong “conspiracy to manufacture illegal drugs.”
Kasama rin sa naaresto ng mga awtoridad si Lorenzo Piñera II na ngayo’y nakapiit din sa Makati City Jail.
Base sa rekord ng korte, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang mega shabu laboratory hanggang sa nakakumpiska ng nasa P100 milyong shabu at ephedrine sa Virac, Catanduanes noong 2016.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, head ng Department of Justice (DOJ) Task Force on Illegal Drugs cases, napag-alaman na ang naturang pasilidad kung saan naaresto sina Isidro at Piñera ay pag-aari umano ng isang Sarah Sarmiento, na inuupahan ng common-law-wife ni Isidro na si Agelica Balmadrid.
Kabilang sa nabanggit na kaso ang iba pang akusado na sina Xian Xian Wang; Pido Bonito; Paolo Uy; Jayson Uy; Paolo Palisoc, Phung Yuan Estorco at Sheng Wang na hanggang sa kasalukuyan ay nakalalaya pa rin. MARIVIC FERNANDEZ