BAGUIO CITY – NAGWAKAS ang maliligayang araw ng 20 pulis na miyembro ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) makaraang lusawin ni Cordillera Police Director Brig.Gen. Rwin Pagkalinawan dahil sa pagkakasangot sa brutal na pagpatay sa 25-anyos na drug suspek na kung saan dinukot at pinugutan sa Brgy. Irisan sa lalawigang ito.
Base sa police report, nakilala ang mga operatiba ng RDEU sa pamamagitan ng CCTV footages kung saan dinukot ang biktimang Harjan Pacyao Lagman bago natagpuang walang ulo sa banging bahagi ng bayan ng Tublay, Benguet noong November 12.
Dinisarmahan na ang 20 pulis na miyembro ng RDEU saka dinala sa Benguet provincial office para ihanda ang mga ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga ito.
Nabatid na si Lagman ay iniulat na nawawala sa Police Station 9 ng Baguio City Police noong Nobyembre 11 bago natagpuan ang kanyang bangkay sa kahabaan ng KM. 20 sa Sitio Gulon, Barangay Ambassador, Tublay kinabukasan ng Nobyembre 12.
Ayon kay Baguio City Police Director Col. Allen Rae Co, nakipagtulungan ang pamilya ng biktima at ilang testigo kaya nakakuha ng kopya ng CCTV footage ng barangay office kung saan sapilitang isinakay sa pulang Toyota Innova ang biktima at na-trace ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nagulat at nalungkot si Pagkalinawan dahil nasangkot sa brutal na krimen ang mga miyembro ng police force kung saan inamin nito ang pagbagsak ng morale ng buong Police Force ng Cordillera.
Sa kasalukuyan, hindi pa natatagpuan ang putol na ulo ni Lagman. MHAR BASCO
Comments are closed.