TIYAK na magkakaroon ng mga pansamantalang galawang sa puwesto sa hanay ng Philippine National police para sa mga may kamag-anak na tatakbo sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre 30.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr., kasalukuyan na nilang inaalam ngayon kung sino sino sa kanilang mga tauhan ang may kamag-anak na tatakbo sa BSKE.
Sinasabing ito ang magiging basehan ng gagawin nilang re-assignment ng mga pulis bago mag-eleksyon o pagpapairal ng election ban.
Layunin nito na matiyak na magiging parehas ang halalan at hindi nasasangkot sa “partisan politics” ang mga pulis.
Nabatid na ang filing ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa BSKE ay mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Pagkatapos nito, madedetermina na at makukumpleto ang listahan ng mga pulis na may kamag-anak na kakandidato para mailipat ang mga ito bago umiral ang election ban.
VERLIN RUIZ
BSKE SA TAGUIG TUTUKAN NG DILG, COMELEC
INIHAYAG ni Department of the Interior and the Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nakikipagtulungan na ang ahensiya sa Commission on Elections (COMELEC) para ihanda ang mga bagong barangay ng Taguig City para sa darating na barangay elections na nakatakda sa Oktubre 30, 2023.
Noong Setyembre 2022, naglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema at sinabing ang “Fort Bonifacio Military Reservation, na binubuo ng Parcels 3 at 4, Psu-2031 ay bahagi ng Taguig City at hindi sa Makati City.
Binanggit ni Abalos na noong Mayo 3, 2023, sumulat sila sa Korte Suprema na maglabas ng desisyon kaugnay sa mga apektadong barangay.
Habang naghihintay ng desisyo mula sa korte, sinabi ni Abalos na nag-activate na ang DILG ng mga transition team para harapin ang pagbabago ng teritoryo.
“Comelec Chairman George Garcia and I agree that it’s imperative to take action because there’s not much time left before the elections. We respect the Supreme Court’s definition of the cities’ territorial boundaries and are coordinating accordingly,” anang kalihim.
Ayon pa kay Abalos, nakikipagtulungan na rin sila hepe ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang baguhin ang mga lugar ng responsibilidad ng kanilang mga apektadong lokal na tanggapan.
EVELYN GARCIA