RE-ROUTING SCHEME SA MAYNILA SIMULAN NA

INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na pinasimulan na nila kahapon ng umaga ang implementasyon ng rerouting scheme bilang paghahanda sa inauguration ni President-elect Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr sa darating na Hunyo 30 na bahagi ng inilatag na security plan.

Layon nito na matiyak na magiging maayos ang makasaysayang panunumpa sa tungkulin ni PBBM bilang ika-17 Pangulo ng bansa, sinimulan nang isara nitong Linggo ang ilang kalsada sa paligid ng National Museum sa lungsod ng Maynila gayundin ang Padre Burgos Avenue na nasa harapan ng pambansang museo .

Kasabay ding isinara ang mga kalye sa kanto nito, kabilang ang Finance Road, Maria Orosa Street mula TM Kalaw hanggang P. Burgos, at General Luna Street mula P. Burgos hanggang Muralla Street.

Habang sa mismong araw ng inagurasyon, Hunyo 30, isasara na rin simula alas-4 ng umaga ang Ayala Boulevard at ang Victoria Street mula Taft Avenue papuntang Muralla Street.

Muling bubuksan ang mga isinarang kalsada pasado alas-11:00 ng gabi ng Hunyo 30.

Isasara rin sa trapiko ang Roxas Boulevard mula Buendia hanggang P. Burgos mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Hunyo 30.

Makakapasok ang mga dadalo sa inaugural venue sa 2 entrada sa P. Burgos—sa kanto ng Gen. Luna Street kung galing Roxas Boulevard at Victoria Street kung galing Taft.

Bukod sa paligid ng National Museum, sarado rin simula hatinggabi ng Hunyo 29 hanggang gabi ng Hunyo 30 ang Mendiola Street na malapit sa Malacanang Palace.

Isasara naman simula ala-1 ng hapon ng Hunyo 30 ang Legarda Street sa kanto ng Mendiola, mula San Rafael hanggang Figueras Street.

Sarado rin simula alas-4 ng umaga ng Hunyo 30 ang Jalandoni Street sa may Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Mananatiling bukas sa araw ng inagurasyon ang Taft Avenue na nasa isang kanto ng P. Burgos.

Ayon sa MMDA, maaaring daanan ng mga sasakyan bilang alternatibong ruta ang UN Avenue at Kalaw Avenue patungong Roxas Boulevard o Taft.

Padadaanin naman ang mga truck mula South Luzon Expressway (SLEX) sa Osmeña Highway papuntang Quirino Avenue at sa Nagtahan, Lacson, Yuseco, at Capulong patungong Road 10.

Nauna nang sinabi ng MMDA na patuloy ang kanilang clearing operations sa mga magsisilbing alternatibong ruta.

Kasabay ng pagsasara ng mga pangunahing lansangan malapit sa National Museum ay tuloy tuloy ang isinasagawang simulation exercises ng pulisya, militar, coast guard, bombero, at iba pang security agencies ng gobyernong magbabantay sa seguridad sa mga nalalabing araw bago ang inagurasyon.

Kaugnay nito , umapela si PNP Director for Operations Police MGen. Val De Leon sa publiko ng pang-unawa para sa mga maaapektuhan ng ipinatutupad na re-routing.

Maliban sa latag ng seguridad, titiyakin din ng PNP na magiging maayos ang latag ng trapiko sa National Museum na pagdarausan ng inagurasyon.

Ayon kay De Leon, batid nilang pawang busy roads ang palibot ng National Museum kaya sinisikap nilang walang maging problema sa inagurasyon.

Bukod sa puwersa ng PNP traffic management units ay magtatalaga rin si MMDA Chairman Romando Artes ng 2,000 personnel para magmamando ng trapiko at magsagawa ng clearing operations.
VERLIN RUIZ