MAKARAAN ang ulat na marami pa ring kabataan ang hirap at walang hilig sa pagbabasa kahit pa nag-aaral, hangad ng National Book Development Board na mapataas ang readership rate sa Pilipinas.
Hindi lamang sa kabataan kundi sa mga nasa tamang edad na o adult.
Batay sa survey, nitong 2023 ay lumiit ang porsyento ng adult readers na nasa 42%.
Halos kalahati ang ibinaba kumpara noong 2017 na nasa 80% ang readership sa adult.
Lubhang nakababahala ito kaya naman nararapat ang ibayong pagsisikap ng pamahalaan para tumaas ang bilang ng marunong magbasa.
Upang matukoy ang sitwasyon, mandato ng NBDB ang magsagawa ng survey upang matukoy ang eksaktong numero sa readership gayundin ang mga hadlang kung bakit malayo ang pagbabasa sa mga Pinoy.
Kabilang dito ang mga hadlang gaya ng masyado nang abala sa gadgets lalo na noong pandemya.
Mas gusto na lamang manood ng social platforms kaysa magbasa ng non-school books at manood ng tv.
Hadlang din ang walang access sa library o mga lugar para magbasa ng libro.
Subalit hindi pa huli ang lahat, dahil ginagawan na ng paraan upang tumaas ang porsyento ng pagbabasa.