REAL FEEL

ABRIL pa rin, Earth Month, at katatapos pa lamang nating ipagdiwang ang Earth Day nito lamang weekend.

Sa gitna ng lahat ng ito, maraming tao sa buong daigdig ang basang-basa sa pawis, nagrereklamo dahil sa matindi at kakaibang init na nararamdaman.

Samantala, sa ilang lalawigan sa bansa ay hinihimatay ang maraming tao, kabilang na ang mga mag-aaral, dahil sa alinsangan.

Ayon sa datos, delikado na sa buhay ng tao ang temperatura na lagpas sa 50 degrees Celsius. Kamakailan, nasa delikadong antas na ang antas ng temperaturang nararanasan sa maraming lugar dito sa Pilipinas.

Ngunit sa kabila ng matinding krisis sa klima, marami pa rin sa atin ang naniniwalang madali lang isantabi ang problema. Magkulong lamang sa de-aircon na kuwarto o kotse at huwag lumabas sa kasagsagan ng init. Kailangan nating tandaan na hindi ito natatapos sa pagtatapos ng tag-init.

Halimbawa, ayon sa mga eksperto ay paparating na ang El Niño. Dala-dala nito ang matinding init, malalakas na bagyo, at banta sa ating mga coral reef. Ayon pa sa mga siyentipiko, ang taong 2024 ay nagbabantang maging pinakamainit na taon sa kasaysayan ng daigdig. Hawak-hawak ng taong 2016 ang record na ito, at matatandaang naganap ito pagkatapos ng isang matinding El Niño.

Kaya naman, kung ang karanasan ang pagbabatayan, maaaring mangyari nga ulit ito sa susunod na taon pagkatapos ng pagdating ng El Niño ngayong Hulyo 2023. Kailangan talaga nating maghanda para sa tagtuyot at sa mas matindi pang init sa susunod na taon.
(Itutuloy…)