REBATE SA MANILA WATER CONSUMERS

MANILA WATER-3

TINITINGNAN ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang posibilidad ng pagkakaloob ng rebates sa mga customer ng Manila Water dahil sa water shortage na nagdulot ng perwisyo sa mga ito.

Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty, isang probisyon sa concession agreement ang nagpapahintulot para sa mas maagang rebate na kadalasang ginagawa kasama ang rate rebasing tuwing limang taon.

“’Yung provision sa concession agreement, puwede nating gawin ng mas maaga, hindi na natin kaila­ngang maghintay ng rate rebasing. Ang provision doon puwede tayo magkaroon ng rebate,” wika ni Ty.

“’Yung rebate po, depende po kung magkano po ang computation… Baka po entire bill mo mawala, depende po. Lahat po kasi nawalan ng tubig, lahat naapektuhan, so lahat po sila magkakaroon ng rebate,” dagdag pa niya.

Ang rebasing ng Manila Water rates ay nakatakda sa 2022.

“It will be the first time na gagawin natin ito na hindi during a rate rebasing. Palagi po nating ginagawa ang singilan during the rate rebasing every 5 years, so 2022, gusto nating gawin ng mas maaga,” sabi pa ni Ty.

Gayunman, nili­naw niya na kaila­ngan pa ring magbayad ang mga consumer ng ‘minimum’ sa kabila ng shortage tulad ng nakasaad sa concession agreement.

Nauna rito ay sinabi ng Ayala-led concessionaire na tinitingnan nito ang posibilidad ng bill adjustments para sa mga  consumer na naapektuhan ng ­shortage.

Comments are closed.