REBLORA, GARCIA NANGUNA SA CHAWI-FESSAP AGE-GROUP NATIONAL TABLE TENNIS TILT

TABLE TENNIS

IPINAHAYAG ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) ang matagumpay na pagtatapos ng Chawi-FESSAP 2nd Quarterly Age-Group National Table Tennis Championship na ginanap noong Agosto 26-27 sa Ayala Malls Cloverleaf sa Balintawak, Quezon City.

Ang torneo, kinikilala sa local table tennis community na isang premyadong event, ay nagtampok sa mga talento at husay ng mga batang table netters mula sa lungsod at mga karatig lalawigan.

Nakatuon ang torneo sa pagpapalawig ng sports.

“We are incredibly proud of the success of the Chawi-FESSAP 2nd Quarterly Age-Group National Table Tennis Championship,” pahayag ni tournament director Julius Esposo.

“This event exemplifies the strong commitment of FESSAP to promote and develop the sport of table tennis in the Philippines, and we are grateful to our sponsors and supporters for their unwavering dedication,” aniya.

Nakuha nina Danai Reblora ng Team San Beda at Sean Arvin Garcia ng Team Pasig ang gintong medalya sa premier Under 17 girls at boys class, ayon sa pagkakasunod. Tinalo ng 16-anyos na si Reblora si Wyne Rafael ng Ba Long Table Tennis, 2-0, habang dinaig ni Garcia si Gavin Tuazon.

Sa iba pang resulta, inangkin ni Kloe Cascolan ng Rosales, Pangasinan ang girls U11 class makaraang gapiin si Pherline Danabar ng Chawi Sports Academy; nanalo si Ern Fadriquela ng Binangonan Table Tennis Club laban sa teammate na si King Somoun Latigay sa boys U11.

Nagwagi sina Xyra Malaluan ng Team Victoria at Carlos Alfonso Corpuz ng Pangasinan ng tig-dalawang ginto kung saan ang una ay nanalo sa girls U13 laban kay Kloe Cascolan at U15 class kay Amirrah Acosta ng Team Pasig, habang ang huli ay nangibabaw sa boys Under13 at U15 categories.

Nanalo naman si Kyle Quinones ng Adamson kay Gavin Nathan Tuazon sa boys U19 class.

-EDWIN ROLLON