ISINAGAWA ang reception rites ng 189 trainees para sa Corrections Officers Custodial Basic Course (COCBC) Class 01-2023 ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) Training Camp bilang unang pagsasanay ng mga bagong rekrut ng BuCor.
Ayon sa Bureau of Corrections, ito ang unang yugto ng pagsasanay ng mga bagong rekrut na sumasailalim sa matinding pisikal na aktibidad na isinagawa bilang tradisyonal na seremonya.
Layon nitong ihanda ang mga bagong trainees para sa karagdagang pagsasanay at paglipat mula sa sibilyan tungo sa unipormadong propesyonal.
Hinikayat ng Chief Tactics, CSO1 Andrew B Corre, ang mga trainee na manatiling nakatutok sa pagpapanatili ng physical fitness at mental preparedness upang epektibong makapaglingkod sa organisasyon.
Iniharap ni CSO2 Shiela M Dimen, Course Supervisor, ang 189 Corrections Officer 1/Trainees na binubuo ng 55 babae at 134 lalaki sa pagbubukas ng reception rites.
Hinikayat naman ni DPPF Acting Superintendent, C/SInsp Edgardo Mendoza Jr. ang mga trainee na manatiling matatag at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa buong mahigpit na pagsasanay.
Bilang bahagi ng BuCor, pinaalalahanan niya ang mga trainee na panindigan ang kanilang panunumpa, manatiling neutral, at yakapin ang pagpapakumbaba upang matulungan ang organisasyon at Persons Deprived of Liberty (PDL) na maging produktibong indibidwal habang nakakulong. PAULA ANTOLIN