MARAHIL ay nagtataka kayo kung bakit halos nakatuon ang kolum ko sa isyu ng reclamation projects sa Manila Bay. Sa totoo lang, matagal ko nang inaasam-asam na magkaroon ng ganitong klaseng proyekto sa Manila Bay upang maibalik natin ang ningning ng mga lungsod sa nasabing dalampasigan. Dati ay ito ang pinapasyalan ng mga turista at taga-Metro Manila. Subalit dahil sa kapabayaan, lumipat na ang pasyalan natin sa mga makabagong lugar tulad ng BGC, Ortigas at Makati.
Ang huling reclamation project ay nangyari noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang Filipinas ay isa sa mga nauna sa ganitong klaseng teknolohiya sa Southeast Asia. Dahil sa ginawa ni Marcos, ginaya tayo ng mga ibang bansa sa Asya tulad ng Singapore, Malaysia at iba pa. Ang tinutukoy kong mga proyektong reclamation ay ‘yung malalaking sakop na lupain upang maaaring magtayo ng matataas na gusali at sentro ng turismo tulad kung saan ngayon nakatayo ang Cultural Center of the Philippines at ang Mall of Asia ng SM at iba pang commercial establishments na nakapaligid doon.
Simula nang pagtuunan ng administrasyon ni Duterte ang paglilinis sa Manila Bay, dito umusbong ang posibleng buhayin ang plano na dagdagan ang reclamation sa Manila Bay. Nagkaroon ng plano ang lungsod ng Maynila at Pasay upang magkaroon ng joint venture sa mga malalaking korporasyon na planong magsagawa ng reclamation sa Manila Bay na aabot na halos 10 beses ang laki ng Bonifacio Global City o BGC. Malaking proyekto ito!
Subalit ang mga makakaliwa at militanteng grupo ay tutol dito. Napakakitid naman ng rason at pag-iisip ng mga ito. Ayaw nila ng progreso at nilalagyan nila ng kulay na posibleng paraan ng korupsiyon ang nasabing proyekto dahil bilyon-bilyong piso ang halaga ng pinag-uusapan dito. May punto sila rito.
Upang tanggalin ang ganitong uri ng hinala, nag-utos si Duterte na isailalim ang lahat ng reclamation projects sa kanyang opisina. Sang-ayon ako rito. Hindi naman sa pinagdududahan natin ang mga lokal na pamahalaan, subalit posibleng mangyari ito kung hahayaan lang natin ang mga ganitong kalaking proyekto sa kanila. Kung magkaroon ng kalokohan o kapalpakan dito, nakatiwangwang ang isang malaking proyekto na pihadong sasaluhin ng national government. Kaya mabuti ay sa umpisa pa lang ay isailalim na nila ito.
Kaya naman pumirma ng isang exectutive order si Duterte na ilipat nga sa kanyang opisina ang pag-aprub ng lahat ng reclamation projects sa ating bansa. Ayon sa EO 74, ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ay nasa ilalim na ng Office of the President. Tanggal din ang kapangyarihan ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pag-apruba ng mga reclamation project at ibinigay na ito sa PRA.
“The PRA shall be under the control and supervision of the OP, while the power of the President to approve all reclamation projects shall be delegated to the PRA Governing Board. Such delegation, however, shall not be construed as diminishing the President’s authority to modify, amend or nullify the action of the PRA Governing Board,” ayon sa EO.
Dagdag pa rito ay ang PRA ay nangangailangan ng opinyon ng NEDA at DENR at DOF sa lahat ng mga panukalang reclamation projects sa bansa. Kailangan din ng istriktong clearance at environmental compliance certificate (ECC) mula sa DENR. Kailangan ding dumaan ito sa matinding public bidding upang maiwasan ang posibleng pagpabor sa iba.
Ayan. Malinaw pa sa sikat ng araw na sinisiguro ng pamahalaan ni Duterte na maayos at malinis ang planong reclamation project sa Manila Bay.