PARIS, France – Nakopo ni Novak Djokovic ang record-breaking 23rd men’s singles Grand Slam title makaraang dispatsahin si Norway’s Casper Ruud, 7-6(1), 6-3, 7-5, sa French Open finals nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Ang Serbian ang tanging male player na nagwagi sa apat na Grand Slams – Australian Open, French Open, Wimbledon, at US Open – ng hindi bababa sa tatlong beses.
Subalit sa 23 Grand Slams, tatlo lamang ang nagmula sa French Open habang si rival Rafael Nadal, na may 22 majors, ay may 14 panalo sa Paris.
Si Djokovic ay nanalo rin ng 10 beses sa Australia at tatlong beses sa US Open, habang pitong beses dinomina ang Wimbledon
“It is no coincidence that I won the 23rd Grand Slam here in Paris because this tournament was really in my entire career the toughest to win,” pahayag ni Djokovic, na naglaro sa Paris finals ng pitong beses, sa cheering crowd sa Court Philippe Chatrier.
“A lot of emotions here on this court, also off the court,” aniya.
Kinuha ni Djokovic ang titulo na wala si Nadal sa torneo dahil sa injury at surgery na magsa-sideline sa kanya sa buong taon.
“I am being fortunate in my life to win 23 Grand Slams. It is an incredible feeling,” aniya.
Maaaring hilahin ni Djokovic ang kanyang lead sa Grand Slam victories sa pag-usad ng season sa grass at Wimbledon, kung saan magtatangka siya sa ika-8 titulo.