RECORD SALES SA PASAY RACING FESTIVAL

MATAGUMPAY na itinakbo ang 11th Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar-Tanauan, Batangas nitong Linggo kung kailan nakapagtala ito ng record sales.

Ang taunang karera na ginaganap bilang pagtaguyod sa anibersaryo ng Pasay City ay nakakolekta ng one-day record high sales na P50,835,742 noong Linggo sa Metroturf at all-time high weekend total sales na P79,793,558 kasama ang benta ng karera noong Sabado.

“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng sumuporta sa aming pantaunang pakarera na talaga namang tinangkilik ng buong industriya ng karera. Binabati rin natin ang mga nagsipanalo ngayong taon at makakaasa po kayo na patuloy pa nating isusulong ang Pasay Racing Festival sa mga susunod pang mga taon,” sabi ni Pasay City Rep. Tony Calixto, ang nagpasimula ng karerang ito kasama ni dating MetroTurf chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr.

Ang nagwagi sa 11th Pasay ‘The Travel City’ Grand Cup ay ang kabayong Open Billing na sinakyan ni Pati Dilema, na siya ring hinete ni Batang Manda na nanalo sa 2024 Presidential Gold Cup.

Tinalo ni Open Billing (Ultimate Goal/Posse Left), na pag-aari ni Benhur Abalos Jr. at inalagaan ni trainer Claudio Angeles, ang kabayong Magtotobetsky para masungkit ang P600,000 premyo sa 1,800-metrong karerang ito.
P225,000 naman ang napunta sa koneksiyon ni Magtotobetsky.

Pumangatlo si Black Star para sa P125,000 premyo at pang-apat naman si Wild Is The Wind na nag-uwi ng P50,000.

Samantala, dinaig ni Worshipful Master ang limang iba pang kalahok para maangkin ang P600,000 top prize ng P1-million 11th Pasay City Representative Tony Calixto Cup.

Pumangalawa si Bill Jordan (P225,000) habang pumang-apat at pumanlima naman sina Diamond Heart (P125,000) at Authentikation (P50,000) sa 1,600-metrong karerang ito.

Sa kabilang banda, ang heavy favorite na si Mando Dura, na pag-aari ni Dennis Tan at sinakyan ni Kelvin Abobo, ang namayani sa 11th Mayour Emi Calixto-Rubiano Cup para makuha ang P300,000 premyo.

Sinundan ito nina Midnight Cat (P112,500), Speed Fantasy (P62,500) at Darleb (P25,000).

Ang 10th Former Pasay Mayor Duay Calixto Memorial Cup naman ay pinagwagian ni Sunset Beauty na nakuha ang P240,000 premyo.

Second place naman si Orient Express (P90,000) na sinundan nina Sabel (P50,000) at Exalted (P20,000).

Ang mga nanalo sa pitiong trophy races ay ang mga mananakbong Light Bearer sa SMDC Trophy Race, Queen Margaux sa Newport World Resorts Trophy Race, Tool Of Choice sa PCSO Trophy Race, Red Sole sa DoubleDragon Properties Trophy Race, Majestic Star sa Pasay Sponsors Race, at Celebrity sa Councilor Mark Calixto Trophy Race.

Trainer and former star-jockey Jesse Guce and jockey Mark Alvarez won a 42-inch TV set each in the raffle among the winning trainers and jockeys that day while all the winning groom received a P3,000 cash bonus each.
CLYDE MARIANO