KASUNOD ng pamamahagi ng tulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang ilang cabinet member sa mga biktima ng magnitude 6.8 na lindol sa General Santos City, tiniyak nito na agad isasagawa ang recovery sa mga nasalanta.
Aniya, ngayong naibigay ang relief goods at financial aid, ang pagpapagawa naman ng bahay ng mga biktima ang kanilang isusunod.
“Pati ‘yung mga rebuilding, hindi pa natin puwedeng simulan dahil may aftershocks pa. Ang problema sa lindol, walang forecast – hindi natin alam kung ano ang mangyayari,”anang Pangulo.
“But mayroon tayong – lahat ng assistance, pangangailangan ng mga inabutan, ‘yung mga nawalan ng bahay, yung mga mangingisda, yung mga injured – lahat ‘yan patuloy na magbibigay ang DSWD,” dagdag ng Pangulo.
Ang Pangulo ay unang nagtungo sa Eastern Visayas partikular sa Tacloban upang tulungan din ang mga biktima ng flash floods doon.
Makaraan ang ilang oras ay lumipad ito sa GenSan para naman sa biktima ng lindol.
“Hanggang matapos, titignan natin … So, we will have to prioritize that in the recovery,” anang Presidente.
Magugunitang noong Nobyembre 17 ay niyanig ang lugar na ikinasawi ng 9 katao.
EVELYN QUIROZ