INAASAHANG tuluyan nang matitigil ang kampanya para patalsikin sa puwesto si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III matapos lumagda sa isang ‘joint manifesto’ ang mga may-ari ng recruitment agencies at matataas na lider ng manpower industry ng bansa kahapon.
Sa isang pagpupulong na ginanap sa Maynila, aabot sa 160 lider at mga kasapi ng industriya ang lumagda sa nasabing pahayag bilang pagpapakita ng kanilang tiwala at suporta sa kalihim, na ilang linggo na ngayong isinasabit sa mga kontrobersiya.
Ayon sa mga source sa DOLE, ang ‘demolition job’ laban kay Bello ay pakana ng isang grupong interesadong matanggal siya sa puwesto.
Nanawagan naman ang mga dumalo kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag pansinin ang mga intriga at batikos sa DOLE chief kasama ang kanilang panalangin na manatili si Bello sa kanyang puwesto.
Hindi rin umano sila naniniwala na tumatanggap ng suhol ang kalihim.
“…(W)e believe in the integrity of and leadership of labor secretary Silvestre Bello III… we have known Sec. Bello as an approachable person who is ready to help, if the request is meritorious,” pahayag ng grupo.
“…(W)e have not known Sec. Bello to have received cash or gifts of any kind from any recruitment agency in exchange for favors,” bahagi pa ng kanilang pahayag.
“We pray that Pres. Rodrigo Roa Duterte keep Secretary Silvestre Bello III in his post at the Department of Labor and Employment so he can continue with his programs both for local and overseas labor,” diin pa ng grupo.
Kabilang sa mga lumagda ay ang mga sumusunod:
Lucita Sermonia, PHILAAK, Inc. (Philippine Association of Agencies for Kuwait) at CLADS (Coalition of Licensed Agencies for Domestic and Service Workers); Alicia Devulgado, OPAPI (Overseas Placement Association of the Philippines); Madolyn Uanang, PAMA-UAE (Philippine Association of Manpower Agencies for the United Arab Emirates); Miriam Mondragon, PAMA-Qatar; Thelma Uanang at Alfredo Palmiery, AMBA (Association of Manpower Agencies for Bahrain); Danilo Navarro, APLATIP, Inc. (Association of Philippine Licensed Agencies for Technical Internship); Jessie Gutierrez, PRAASA (Philippine Recruitment Agencies Accredited to Saudi Arabia; Estrelita Hizon, PAMADEL (Philippine Association of Mediterranean Deploying Labor); Milagros Abuhussein, PAMAJOR (Philippine Association of Manpower Agencies for Jordan); at Myrna Luz Manansala, AMBRUPHIL (Association of Manpower for Brunei-Philippines).
Lumagda rin ang mga lider ng recruitment agencies na nagpapadala ng mga manggagawa sa Korea, Japan, Malaysia, Macau at Singapore, bukod pa sa higit 100 may-ari ng recruitment agencies sa bansa.
Comments are closed.