MAYNILA – SINALAKAY na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang mga pagawaan ng mga pekeng dokumento sa Recto, Manila.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, panahon na aniya upang masawata ang tinatawag na Recto University o ang mga gumagawa ng kung ano-anong pekeng dokumento mula transcript of records hanggang sa mga papeles ng pamahalaan.
Pinangunahan ni MPD-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief P/Maj. Rosalino Ibay Jr at MPD-Station 3 Commander Lt.Col. Reynaldo Magdaluyo ang pagsuyod sa tinaguriang Recto university kung saan ilan sa mga puwesto rito ang kanilang nadiskubre na pawang mga walang business permit.
Kinumpiska naman ng awtoridad ang mga makinaryang ginagamit sa paggawa ng mga pekeng diploma, birth certificate, transcript of records, driver’s license, firearm license, NBI clearance, at iba pa.
Nag-ugat ang pagsalakay ng awtoridad sa tinaguriang Recto University makaraang madiskubre ni Domagoso na maging ang resibo ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ay pinepeke na rin dito.
Dahil imbes na mapunta sa kaban ng bayan ay napupunta lamang sa mga namemeke ang ibinabayad ng mga nagpapagawa ng pekeng resibo at mga dokumento. PAUL ROLDAN
Comments are closed.