MAY MGA gamit sa ating bahay na hindi na natin napapansin o naiisip na may pakinabang pa. Ilan sa mga ito ang mga lata, kahon, papel, garapon, tela at kung ano-ano pa. Kadalasan, direkta na lamang natin itong itinatapon. Ngunit, alam mo ba na maaari mo pang gawing kapaki-pakinabang ang mga gamit na ito sa bahay?
Kung tayo ay magiging malikhain, hindi natin aakalain na magiging bagong muli ang mga bagay na itatapon na. Ito ang ilan sa mga proyekto na maaaring gawin sa bahay gamit ang recyclable items:
PLANT POTS NA GAWA SA BOTE AT LATA
Gamit ang mga malalaking PET bottles, tulad ng bote ng softdrinks at fruit juices at mga lata tulad ng lata ng ice cream at biscuits ay maaaring gawing plant pot.
Para sa bote, hatiin lamang ito sa gitna at butasan ang ilalim upang makadaloy palabas ang tubig. Sa lata naman, maaari ring butasan ang ilalim nito.
Sa mga may mini-garden sa bahay, mas makatitipid kung ang mga ito ang gagamitin bilang lalagyan ng mga halaman kaysa sa pagbili ng mga plant pot.
STORAGE BOX NA GAWA SA KAHON
Kung mayroon ka namang naipong kahon ng sapatos o mga cargo box, puwede itong gawing storage box na malalagyan ng kung ano-anong anik-anik sa bahay.
Puwede itong balutan ng gift wrappers at plastic cover para gumanda itong tingnan. Imbes na itapon ang mga kahon, makatutulong pang malinis ang kalat sa bahay sa paggawa ng mga storage box.
CONTAINER JARS NA GAWA SA MGA GARAPON
Ang mga garapon ng sandwich spread, nata de coco, gatas at kung ano-ano pa ay maaari pang i-recycle. Puwede itong maging lalagyanang muli ng mga produkto at ang tanging bibilhin mo na lamang ay ang mga refillable na katumbas nito.
Sa ganitong paraan, mas makakamura dahil hindi mo na babayaran ang lalagyanan. Maaari mo rin naman itong lagyan ng disenyo, tulad ng pagbabalot dito ng gift wrapper o pagdidikit ng sticker para maganda itong pandisplay kung sakaling lalagyan mo ito ng iba pang gamit.
GAWING PANG-COMPOST ANG MGA PAPEL
Ang mga papel tulad ng gamit na diyaryo, scratch papers at tissue papers ay maaaring ipa-shred at gamitin bilang pang-compost.
Ang composting ay isang proseso ng pag-decompose ng mga nabubulok na bagay tulad ng papel para gawing fertilizer o pataba sa mga alagang halaman.
Perfect ito sa may mga mini-garden sa bahay. Ngunit hindi lahat ng uri ng papel ay puwedeng gamitin bilang pataba. Iwasang gumamit ng mga papel na glossy tulad ng magazines at brochures sa composting dahil kadalasan ay naglalaman ito ng mga kemikal na nakasasama sa halaman.
GAWING BASAHAN ANG MGA PUNIT-PUNIT NA DAMIT
Kung may mga lumang damit o punit-punit na damit ka, huwag agad itong itatapon. Maaari mo pa kasi itong gupitin at tahiin upang magamit bilang basahan. Minsan naman, hindi na ito kailangang tahiin pa dahil ang mga damit na iyon na mismo ang puwedeng gamiting basahan. Kung marunong ka namang manahi, maaari mo pang magamit ang mga tela sa napakaraming bagay. Halimbawa, noong bata pa ako, ginugupit-gupit ko ang mga sira naming damit at tinatahing muli para maging damit ng aking mga manika.
Puwede rin itong gawing mga eco-bag.
Isa sa benepisyo na makukuha sa pagre-recycle ay ang makatipid. May mga gamit kasi sa bahay na hindi mo na kailangang bilhin kung puwede namang gamitin ang mga recycled products bilang alternatibo.
Ngunit bukod pa rito, ang pinakamagandang benepisyo na makukuha sa recycling ay pag-aalaga sa kapaligiran.
Limitado lamang ang ating resources, kaya naman mainam na lubos nating nakukuha ang pakinabang mula rito.
Hindi lamang aaliwalas ang ating bahay, makatutulong din tayo na gawing sustainable ang ating environment. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.